Daughters of Saint Paul

AGOSTO 19, 2020 – MIYERKULES SA IKA-20 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 20:1-16

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tungkol sa nangyayari sa Kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta na niya sila sa ubasan. “Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya’t  sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila.  “Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. “Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya’t sinabi niya sa kanila: ‘Ba’t kayo nakatayo lamang at maghapong walang ginagawa’ Sumagot sila: ‘Dahil walang umupa sa amin.’: ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ “Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-isang denaryo nang lumapit naman ang mga nauna akala nila’y tatanggap sila ng mas higit pa, ngunit tumanggap din sila ng tig-isang denaryo. Kaya’t pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. … “Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis kana. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa iyo, wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’ “Kaya mauna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ang talinhagang narinig natin ay isa sa mahirap intindihin na texto sa Biblia. Kung mapapansin natin, ang mga huling tinawag ng may-ari ng ubasan, ay ang mga walang ginagawa, di ba? — dahil walang umupa sa kanila… wala silang trabaho. Ibig sabihin wala silang maiuuwing suweldo para kanilang pangangailangan. Katulad ng may-ari ng ubasan, alam ng Diyos ang pangangailangan natin. Nagbibigay siya ng pagkakataon para matugunan ang mga ito. At katulad ng mga tutugon sa paanyayang ito… mabibiyayaan sila ayon sa pagka-mapagbigay at awa ng Diyos. Siya ang huhusga kung ano ang nararapat at makakabuti para sa bawat isa sa atin. Ang kanyang pagka-mapagbigay at pagmamahal lalo na sa mga mahihirap – hindi lang sa material na bagay ay talagang mahirap tanggapin nang mga may panuntunan ng pagiging patas, ang pagtanggap ng kapalit o katapat ng ating pinagtrabahuan o pinaghirapan. Pero malinaw na hindi ito ang panuntunan ng Diyos. Ganun lang talaga siya, mahuli ka man o mauna, mabuti o kahit masama… sa mata ng Diyos lahat tayo ay karapat-dapat mahalin.