Daughters of Saint Paul

AGOSTO 19, 2023 – SABADO SA IKA-19 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | San Exequiel Moreno, Obispo/ San Juan Eudes, pari

BAGONG UMAGA

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo.  Ika-labingsiyam ngayon ng Agosto.  ginugunita natin sina San Exequiel Moreno na isang Obispo at San Juan Eudes, na isang pari.  Pasalamatan natin ang Diyos sa mga banal na ito, at sa tulong ng kanilang panalangin hilingin nating maging mabubuting halimbawa tayo ng kabutihang asal, lalo na sa mga pinalalaking bata sa loob at labas ng ating tahanan.   Panawagang turuan ang mga bata tungkol sa Diyos, at hubugin silang maging mabubuting tao at Kristiyano sa hinaharap.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita, ayon kay San Mateo kabanata Labing-siyam, talata Labintatlo hanggang Labinlima.   

EBANGHELYO: Mt 19:13-15

May nagdala kay Jesus ng mga bata para ipatong n’ya ng kanyang kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo sila. Huwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng langit.” At pagkapatong ni Jesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na s’ya. 

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Kapatid, ano ang nagiging reaksyon mo, kapag nagsisimba ka at may mga batang naghahabulan sa loob ng simbahan, lalo na kung consecration na? Hindi lang yan, may umaakyat pa sa altar, kaya aakyat din ang yaya o kaya ang magulang, para pababain ang bata. Minsan nagpapahabol pa ang bata, na para bang nasa playground sya. Nadi-distract ka rin ba? Minsan nakasaksi ako ng ganitong scenario. Naubos yata ang pasensya ng paring nagmimisa, kaya tumigil sya. Itinuloy lamang nya ang Banal na Misa, nang nakuha na ng kanyang magulang ang bata. Ganito ang scenariong na-imagine ko, sa Mabuting Balita natin ngayon. Marahil magugulo ang mga bata, nang ilapit kay Hesus kaya pinagsabihan sila ng kanyang mga alagad. Pero ano ang sabi ni Hesus? “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata”. Masasalamin natin sa pahayag na ito ni Hesus ang kanyang malasakit at pagpapahalaga sa maliliit na taong, walang pangalan sa lipunan. Madarama natin sa pahayag at reaksyong ito ni Hesus, na pantay ang kanyang pagtingin at pagmamahal sa lahat ng nilikha, kilala man ito sa lipunan, o nasa laylayan. Minsan naman, nagsimba ako sa Cathedral. Archbishop ang nagmimisa. Umakyat sa altar ang isang babaeng may kapansanan sa pag-iisip, at lumapit sa nagmimisang Arsobispo. Bago pa nakakilos ang mga security guard, nakaakyat na ang babae sa altar, kaya tumigil sumandali sa pagmisa ang Arsobispo, kanya itong binati at benendisyonan. Masayang bumaba ng altar ang babaeng may kapansanan, matapos syang bendisyonan. Kapatid, nakita ko sa ginawa ng Arsobispo ang katangian ni Hesus sa ating Mabuting Balita ngayon. Binigyan nya ng pagpapahalaga ang babae, kahit wala itong halaga sa tingin ng lipunan. Kung minsan, konting panahon at pagkilala lang ay sapat na, upang maiparamdam natin sa ating kapwa, na mahalaga sya sa mundong ating ginagalawan.