Ebanghelyo: MATEO 19,16-22
Lumapit kay Jesus ang isang binata at nagtanong: “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?” “Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.” “Anong mga utos?” Sumagot si Jesus: “Huwag pumatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri ng kapwa, igalang ang iyong ama at ina at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’”: “Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa ang kulang ko?” At sinabi ni Jesus: “Kung gusto mo maging ganap, umuwi ka’t ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pagkarinig ng binata sa pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya.
Pagninilay:
Minsan po may isang kaibigan ang lumapit sa akin. Sabi niya: Brother, nahihiya na talaga ako sa Diyos. Tanong ko: Bakit? Kasi Brother, matagal na akong hindi nagsisimba e. Nakakalimutan ko na nga din magdasal. Eh, alam kong babagsak na ako sa subject na kailangan kong maipasa para makagraduate. Kaya naisipan kong magsimba. Mantakin mo yun, pumasa talaga ako! As in! Di ko yun inaasahan, Brother. Alam kong dininig niya ako, kahit sa maraming panahon wala akong paki sa kanya.
Wala akong maisip na maayos na sagot kaya ang nasabi ko sa kanya ay: Ganun naman ang ating Diyos, sabi nga ‘di ba, kahit ‘di pa natin hinihingi, alam na niya. Ang mahalaga ay lumapit ka sa kanya. Sa ating Mabuting Balita, may isang kabataang lalaki din ang lumapit kay Hesus. Mayroon din siyang natatanging kahilingan—buhay na walang hanggan. “Iwan mo ang lahat” ani Hesus. “At sumunod ka sa akin.” Bitin ang istorya, dahil ang sinabi sa huli ay umalis siyang malungkot dahil marami siyang ari-arian. Pero, hindi natin alam kung talagang iniwan niya ang lahat para kay Hesus. Maganda po ang tinuran ng ating Santo Papa, St. John Paul II. Hinimok niya ang bawat kabataan aniya: “My challenge for you is to get away with false illusion of things that are passing, while gazing into eternity.” Patuloy ang paalala sa atin na hindi naman masama ang yaman, pero sana mas maisip nating may langit, may Diyos, na siyang pinagmulan at wakas ng ating buhay. Ang Diyos na siyang ating tunay at tanging yaman. Pagnilayan nawa natin ang mga salita ng ating Panginoong Hesus kay St. Gemma Galgani, kapwa nating kabataan na nagsumikap sa landas ng pagpapakabanal: “Gemma, remember that I have created you for heaven; you have nothing to do with the earth.” Amen.