MATEO 13: 47–53
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Naihahambing ang Kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon naman ang mga walang kuwenta. Ganito ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.” At itinanong ni Jesus: “Nauunawaan n’yo ba ang lahat ng ito?” “Oo,” ang sagot nila. Kaya sinabi niya sa kanila: “Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng isang ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing kukuha siya.” Nang matapos ni Jesus ang mga talinghagang ito, umalis siya sa lugar na iyon.
PAGNINILAY:
Ang ebanghelyong narinig natin ngayon ayon kay San Mateo ang huling talinhaga tungkol sa kaharian ng langit. Sinasagot nito ang katanungan ng marami sa atin: “Ano ang mangyayari sa katapusan ng mundo? Paano ako magiging handa pagdating nito?” Sabi ni Jesus, para itong lambat – titipunin ang mabubuting isda at itatapon ang walang kwenta. Hindi lang basta itatapon pabalik sa dagat kundi sa “nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.” Kailan ba mangyayari ito? Siyempre, walang nakakaalam sa atin kung kailan, pero parang malapit-lapit na. Dahil kahit umabot pa ng isandaang taon ang edad natin, maikli lang yon kumpara sa habambuhay, di ba? Kapag namatay tayo, tanging ang Diyos lang ang lubos na nakakaalam kung para tayo sa kaharian ng langit. Paano ba tayo makasisiguro? Makakapagkumpisal ka ba at makatatanggap ng huling sakramento bago ka mamatay? Paano kung biglaan dumating si kamatayan? Kapanalig, huwag nating isugal ang buhay na walang hanggan! Makakasiguro lang tayo kung ngayon pa lang, magpapatala na tayo. Libre naman po ang registration at araw-araw pwedeng mag-practice. Hindi problema kung magkamali o magkasala. Kailangan lang, humingi ng tawad at magsikap na magsimulang muli sa pagsunod sa mga yapak ni Kristo. Nasa atin na ang Diyos noong tayo’y binyagan. Tayo’y mga minamahal na anak ng Diyos. Kinikilala, sinasamba, at iniibig ba natin siya sa bawat araw at sandali? Sinasalamin ba natin siya sa bawat taong nakakasama o nakakasalamuha natin? Ano ang pipiliin mo: buhay o kamatayan na walang hanggan?