EBANGHELYO: Mt 14:13-21
Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila. At pinagaling niya ang mga maysakit. Nang hapon na iyun, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kani-kanilang pagkain.” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” “Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda.” “Akin na.” At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa Langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila sa mga tao. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso—labindalawang punong basket. Mga limanlibong lalaki ang napakain bukod pa sa mga babae at mga bata.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Narinig natin sa ebanghelyo na nabalitaan ni Hesus na namayapa na si Juan Bautista. Kaya naman, siguradong nagluluksa si Hesus noong mga panahong iyon, nang makita niya ang mga taong umaasang mapapagaling sila sa kanilang mga karamdaman. Gusto niya marahil lumayo muna at taimtim na makasama ang Ama sa panalangin, pero nung makita Niya ang mga taong nagsusumamo, napukaw ang kanyang puso, at siya’y lubos na naawa. Si Hesus ang unang nauhaw, siya ang unang nagutom! Mga kapanalig, sa panahon ng krisis, huwag nawa tayong panghinaan ng loob. Manalig tayo at kumapit sa Diyos ng Awa at paghilom. Kung kaya niyang punan ang ating pisikal na pagkagutom, umasa tayong siya rin ang ating kagalingan! Tulad ng limang tinapay at dalawang isda, patuloy nating i-alay ang ating mga pangamba, pag-aalala at problema. Ihandog natin ito kay Hesus, dahil sa mga kamay ng Diyos, tiyak ang milagro! Tiwala lang! Amen.