Daughters of Saint Paul

AGOSTO 2, 2021 – LUNES SA IKA–18 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 14:13-21

Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila. At pinagaling niya ang mga maysakit. Nang hapon na ‘yon, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kani-kanilang pagkain.” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” “Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda.”  “Akin na.” At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa Langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila sa mga tao. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso—labindalawang punong basket. Mga limanlibong lalaki ang napakain bukod pa sa mga babae at mga bata.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Nimfa Ebora ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Nang malaman ni Hesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, nais niya sanang pumunta sa isang tahimik na lugar.  Pero sa kabila ng pighati at kagustuhang pansamantalang mag-isa, tinanggap ni Hesus ang napakaraming taong naghahanap sa kanya. Di na inisip ni Hesus ang sariling pangangailangan. Sa halip, nahabag siya sya sa mga tao at pinagaling ang mga dala nilang maysakit. Likas kay  Hesus ang pagiging mahabagin hindi lang sa damdamin, kundi sa aksyon upang tugunan ang  pangangailangan ng mga tao. Tinanggap nya ang mga taong naghahanap sa kanya, pinagaling ang mga maysakit, binusog at hindi itinaboy ang mga nagugutom.  Mga kapatid, ang sinabi ni Hesus sa mga alagad ay sinasabi din nya sa atin ngayon: “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Maraming pagkakataon na limitado ang ating kakayanang tumugon sa pangangailangan ng iba. (Katulad ng mga alagad, madaling nating makita kung ano ang kulang – dadalawa lamang ang isda at lilima lamang ang tinapay.  Paanong magkakasya ang mga ito para sa limanlibo?) Pero pansinin natin na noong ibinigay ang kakaunting ito sa Panginoon, dumami ito at naging sapat para sa lahat.  

PANALANGIN

Panginoon, may mga oras na nakikita lamang namin kung ano yung wala at kulang. Madalas nagiging sanhi ito upang maghina ang aming loob, tingnan lamang ang aming sarili at huwag nang tumugon sa pangangailangan ng iba. Panginoon, turuan mo po kaming lumapit sa iyo, dahil sa iyo walang kulang. Ang lahat ay ibibigay mo dahil batid mo kung ano ang aming pangangailangan. Tulungan mo po kaming magtiwalang lagi sa iyong mga biyaya. Amen.