Daughters of Saint Paul

AGOSTO 2, 2023 – MIYERKULES SA IKA-17 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | San Eusebio de Vercelli, Obispo/ San Pedro Julian Eymard, pari

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules mga masugid kong tagasubaybay ng programang ito.  Sumaatin nawa ang biyaya at pagpapala ng Panginoon! Ikalawa ngayon ng Agosto, kapistahan ni San Eusebio de Vercelli na isang Obispo, at San Pedro Julian Eymard na isang pari.  Pasalamatan natin ang Diyos sa mga banal na ito, at sa tulong ng kanilang panalangin hilingin nating matagpuan ang kayamanang tunay na magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. Anuman ang bokasyon natin sa buhay, maaari itong maging daan sa pagkamit ng buhay na walang hanggan kung si Kristo ang ating sinusundan.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang mga paghahambing na ginawa ng Panginoong Hesus upang ipaliwanag ang Kaharian ng Langit, sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labintatlo, talata apatnapu’t apat hanggang apatnapu’t anim.

EBANGHELYO: Mt 13:44-46

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Naihahambing ang kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid. Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.

PAGNINILAY

May kuwento tungkol sa isang mahusay at kilalang engineer. Carlos ang kanyang pangalan. Matalino, guwapo at mabuting tao si Carlos, at tinitingala siya ng mga kaibigan at mga katrabaho. Para kasing nasa kanya na ang lahat: magandang pamilya, mataas ang sweldo, mabait na kasintahan, may sariling bahay, mga latest gadgets, etc. Isang araw, hindi alam ni Carlos kung bakit siya nagpunta sa simbahan. Parang may nag-akay sa kanya pagpasok doon. Habang binabasa ng pari ang ebanghelyo ni San Markos 8:36: “Ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapahamak ang kanyang buhay?” Nagulat si Carlos sa narinig at nanatili siyang nananalangin. “Ano nga ba ang saysay ng lahat ng meron ako?” tanong niya sa sarili. “Is this all there is to life?”  Isang taon siyang nanalangin, nagtanong, sumangguni sa mga taong makakatulong sa kanyang magpasya at humanap ng bokasyon niya. Makalipas ang isang taong paghahanap sa kahulugan ng buhay, napagtanto niyang tinatawag siya ng Diyos, at magiging lubos lamang siyang maligaya kung susundin niya ang kanyang bokasyon. Tinalikuran ni Carlos ang lahat, at pumasok siya sa seminaryo. Tulad ng tao sa ebanghelyo natin sa araw na ito, natagpuan ni Carlos ang Diyos at iniwan niya ang lahat ng kanyang ari-arian upang makamit ang kaharian ng langit.  Ikaw kapatid, may kailangan ka bang i-give up para lubusan kang maging masaya? O upang maging ganap ang iyong pagsunod sa Panginoon? Huwag kang mangamba, at alalahanin mong lagi, tanging ang iyong kasiyahan at kabutihan ang nais ng Diyos para sa iyo.  Panginoon, salamat sa lahat ng iyong mga biyaya. Buksan mo po ang aking puso at mga kamay upang matagpuan ko ang kaligayahan sa pag-aalay ng lahat sa iyo. Amen.