EBANGHELYO: Mt 22:1-14
Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga Talinhaga: Tungkol sa nagyayari sa kaharian ng Langit ang kwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Ipinatawag niya sa mga katulong ang mga imbitado sa kasalan ngunit ayaw nilang dumalo. “Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong upang sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: Naghanda ako ng mga pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan. Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa pa. Sinunggaban naman ng iba pa ang mga katulong ng hari, nilibak at pinatay. Lubhang nagalit ang hari kaya’t ipinadala niya ang kanyang hukbo upang puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. At sinabi niya sa kanyang mga katulong: Handa na ang kasalan ngunit hindi karapat-dapat ang mga inaanyayahan. Pumunta kayo ngayon at sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita ninyo. Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang lahat ng makita, masama at mabuti, ay napuno ang kasalan ng mga nasa hapag. Pagkatapos ay dumating ang hari upang tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pampeyesta. Kaya sinabi niya sa kanya: Kaibigan, papaano ka nakapasok nang walang damit pangkasal? Ngunit hindi umimik ang tao. Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga katulong: Igapos ang kanyang mga kamay at paa, at itapon sa dilim, kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.” “Marami ngang talaga ang tinatawag ngunit kokonti ang pinili.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Cleric Jay-pee Pena ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Tuwing nagse-celebrate ako ng birthday ko, sinisigurado ko na makakapaghanda ako kahit papaano, kahit hindi marami; pinaghahandaan ko ito. Kahit alam na alam ng mga kaibigan ko kung kailan ang birthday ko, nireremind ko pa rin sila at iniimbitahan para magpunta sa amin. Kaya naman nakakatampo at nakakasama ng loob kung ang mga inaasahan kong mga bisita ay hindi makakapunta sa espesyal na araw ng aking buhay. Katulad ng ating ebanghelyo ngayon, ang hari ay naghanda ng isang piging at nangumbida ng mga bisita pero hindi sila nagsipuntahan na s’ya namang ikinagalit ng hari. Mga kapatid, araw-araw tayong iniimbitahan ng Panginoon na dumalo sa piging na kanyang inihanda: ang Banal na Misa, mapa-pisikal man ito o online. Nakahanda ba tayong tanggapin ang kanyang imbitasyon? At kung dadalo tayo, naihanda ba natin nang tama ang ating mga sarili para sa piging na ito?