EBANGHELYO: Mt 22:34-40
Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya’t sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may isa pang ikalawa na tulad nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Brian Tayag ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Sampung utos lang ang ibinigay ni Yawe kay Moses sa bundok ng Sinai upang mga Israelita ay makapamuhay ng matiwasay at lumago sa pananampataya at sa pakikipagkapwa. Pero umabot ito sa bilang na 613 dahil na rin sa kagustuhan ng mga Pariseo na naturingang maalam sa batas. Kaya naman, binuod ni Hesus ang sampung utos sa dalawang batas na lamang – pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Ang unang bahagi ng sagot ni Hesus ay sipi mula sa Deuteronomy 6:5: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una, at pinakamahalagang utos.” Ang mga katagang ito ang parte ng Shema, pangunahing elemento sa pagsamba ng mga Hudyo. Kaya naman kanilang dinarasal ito makailang beses sa isang araw, at kailangang alam nila ito nang buong puso. Ang pangalawang parte naman ay sipi mula sa Leveticus 19:18: “Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Kung ating titingnang mabuti, ang lahat ng mga batas ay tungkol sa pag-ibig o pagmamahal, hindi ng panuntunan. Tungkol ito sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Sa madaling salita, ang atas sa atin ni Hesus ay matutong umibig at magmahal. Magkaugnay ang dawalang batas na ito. Dahil hindi mo masasabing mahal mo ang Diyos, kung hindi mo naman mahal ang iyong kapwa. Sa Misericordia Vultus # 9, sinabi ni Pope Francis: “Ang pag-ibig, ay hindi maaaring maging isang abstraction lamang. Sa likas na katangian nito, nagsasaad ito ng isang bagay na konkreto: mga hangarin, ugali, at pag-uugali na ipinapakita sa pang-araw-araw na pamumuhay”. Kung gayon kapatid, walang saysay at hindi tunay ang pag-ibig sa Diyos, kung hindi naman ito humahantong at nakikita sa pagmamahal at pagdamay sa kapwa. Kamusta ba ang pagsabuhay mo ng batas ng pag-ibig?