Daughters of Saint Paul

Agosto 20, 2024 – Martes sa Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon | Paggunita kay San Bernardo, abad at pantas ng Simbahan

Ebanghelyo: Mateo 19,23-30

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa Kaharian ng Langit. Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa isang kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Langit.” Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing: “Kung gayon eh, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sumagot: “Imposible ito para sa tao; subalit sa Diyos, lahat ay posible.” Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo: ano naman ang para sa amin?” “Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumusunod sa akin: sa Araw ng Pagbabago, pag-upo ng Anak ng Tao sa kanyang trono nang buong kaluwalhatian, uupo rin kayo sa labindalawang tribu ng Israel. At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa Pangalan ko, tatanggap siya ng sandaang beses at makakamit ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”

Pagninilay:

Maaring tanong din natin sa ating sarili ang parehas na tanong ng mga Alagad kay Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon: “Panginoon, kung gayun, sino po ang maliligtas?”Bigay lamang ng Diyos ang buhay natin dito sa mundo. Lahat ng bagay na kanyang nilikha ay kanyang biyaya para sa atin. Kung wala ang Diyos, wala tayong tatanggaping biyaya. Kung walang biyaya, paano tayo mabubuhay? Tunay ngang nakadepende tayo sa kalinga at kabutihan ng Diyos. Ang katotohanang ito nawa ang magbukas sa ating isipan na walang yaman na ating inipon, itinago, at ipinagdamot ang magdadala sa atin sa Diyos. Sa huling yugto ng ating buhay, haharap tayong dala lamang ang ating sariling katawan sa harap ng Diyos. At gaya ng mga marka ng sugat ni Hesus dala ng kanyang matinding pagtitiis at pagsasakripisyo sa ngalan ng pag-ibig para sa iba, tanging ang mga marka ng ating kabutihan sa iba, pagmamahal sa iba, at pagbibigay ng ating sarili para sa iba ang madadala at maipapakita natin sa Diyos. Huhusgahan tayo ng Diyos kung gaano tayo nagmahal. Pagmamahal ang sa ati’y magliligtas. 

Panalangin:

O Hesus, turuan mo akong magmahal ng tulad mo. Tanging pagmamahal mo lamang ang sa aki’y maaring magligtas. Amen.