Daughters of Saint Paul

Agosto 21, 2017 LUNES sa Ika- 20 Linggo ng Taon / San Pio X, papa

Hkm 2:11-19 – Slm 106 – Mt 19:16-22

Mt 19:16-22

Lumapit kay Jesus ang isang binata at nagtanong:  “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?”  Sumagot si Jesus:  “Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.”  At sinabi naman ng binata:  “Anong mga utos?”  Sumagot si Jesus:  “‘Huwag pumatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri ng kapwa, igalang ang iyong ama at ina at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’”

At sinabi sa kanya ng binata:  “Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa ang kulang ko?” At sinabi ni Jesus:  “Kung gusto mo maging ganap, umuwi ka’t ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.”

Pagkarinig ng binata ng pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya. 

PAGNINILAY

Ibinahagi pa rin sa atin ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo ngayon.  Tinanong ako minsan ng isang kabataan: “Sister, bakit ganoon?   Meron akong gustung-gustong bagay. Pinag-ipunan ko dahil medyo may kamahalan. Linggo-linggo, binabalikan ko sa tindahan para tingnan ang aking inaasam-asam. Paglipas ng tatlong buwan na pagtitipid, nabili ko na sa wakas ang aking minimithi. Tuwang-tuwa ako, pero makalipas ang isang linggo, may bagong modelo na naman na lumabas. Nalungkot akong bigla, kasi ang daling naluma ng gamit ko.”  Sabi ni Jesus sa ebanghelyo ngayon:  “Kung gusto mong maging ganap, ipagbili mo ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera para sa mga dukha.  At saka ka bumalik para sumunod sa akin.”  Mga kapatid, hindi natin makakamtan ang kaganapan at lubos na kasiyahan sa mga bagay na pag-aari natin.   Wala sa kayamanan ang kaligayahan.  Panandalian lamang ang saya na ibinibigay ng ating mga ari-arian dahil tanging ang Diyos lamang ang makapupuno sa puwang sa ating puso.  Gusto mo bang maging tunay na maligaya?  Ibahagi mo ang iyong kayamanan at sarili. Sundin mo ang mapagkalingang pagmamalasakit ng Panginoon sa mga dukha at masusulyapan mo ang ligayang ipinangako ni Kristo.  Panginoon, huwag ko nawang ihihilig ang aking puso sa mga bagay na materyal at panandalian lamang, kundi sa mga gawaing makakatulong upang magkamit ng espiritwal na yaman.  Basbasan Mo po ang aking mabubuting hangarin na maging daluyan ng Iyong biyaya at pagpapala sa aking kapwa, sa abot ng aking makakaya.  Amen.