Daughters of Saint Paul

AGOSTO 21, 2018 MARTES SA IKA 20 LINGGO NG TAON San Pio X, Papa

MATEO 19:23 – 30

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa Kaharian ng Langit. Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Langit.” Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Jesus at sumagot: “Imposible ito para sa tao; pero sa Diyos, lahat ay posible.” Nagsalita si Pedro at sinabi:”Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo: ano naman ang para sa amin?” Sumagot si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumunod sa akin: sa Araw ng Pagbabago, pag-upo ng Anak ng Tao sa kanyang trono nang buong luwalhati, uupo rin kayo sa labindalawang tribu ng Israel. At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa ngalan ko, tatanggap siya ng sandaang beses at makakamit ang walang hanggang buhay. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyo ngayon, malinaw na ipinahayag ni Jesus na “Mahirap makapasok ang mayaman sa Kaharian ng Langit.”  Kaugnay ito sa pag-uusap nila ng mayamang binatang hindi maiwan ang kanyang mga kayamanan. Pero, HINDI lamang pera ang tinutukoy ni Jesus dito. Kasama rin ang lahat ng mga talino, kalakasan, katanyagan, kapangyarihan, kagandahan, at iba na kaloob ng Diyos sa tao na kailangang gamitin hindi lang para sa sarili kundi para sa kabutihan ng iba pang mga nangangailangan.  Nang tanungin ni Pedro kung ano naman ang mapapakinabang nila sa pag-iwan sa lahat para sa kanya, matatag at tiyak ang sagot ni Jesus na alam niya ang kanyang ginagawa at “tatanggap sila ng sandaang beses at magkakamit ng buhay na walang hanggan.”  Hindi kailanman madadaig o malalampasan ang kabutihang-loob ng Diyos.  Mahalaga rin mabigyang-diin na hindi inaayawan ni Jesus ang mga nakaririwasa. Habang nasa lupa, nakisalo siya sa kanilang mga hapag, dumalo sa kanilang kasalan, at tumugon din sa kanilang pangangailangang mapagaling.  Nais din ni Jesus na mamuhay nang maginhawa, maayos at maligaya ang mga taong minamahal niya. Gayunman, nililinaw niya na sa matapat na paglilingkod at pagbibigay lamang magkakaroon ng tunay na kabuluhan ang buhay.   O, Jesus, loobin mong lubos naming  maisapuso at maisagawa ang kahulugan ng simpleng pamumuhay na tanging paraan para magkamit nang panloob na kapayapaan at kaligayahan sa piling mo, Amen.