EBANGHELYO: MATEO 20:1-16
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tungkol sa nangyayari sa Kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw at pinapunta na niya sila sa ubasan. “Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya’t sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila. “Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. “Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya’t sinabi niya sa kanila: ‘Bakit kayo nakatayo lang at maghapong walang ginagawa’ Sumagot sila: ‘Dahil walang umupa sa amin.’ Sinabi niya: ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ “Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-isang denaryo. Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila’y tatanggap sila ng mas higit pa, ngunit tumanggap din sila ng tig-isang denaryo. Kaya’t pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari… “Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis kana. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa iyo. Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’ “Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”
PAGNINILAY:
Ang Diyos ang may-ari ng ubasan at ang mga tao ang inanyayahang gumawa sa Kanyang ubasan. Anong gawain ang inaasahan sa atin ng Panginoon? Handa ba tayong makipagtulungan sa Kanya? Anong kakayahan ang maibabahagi natin para sa kaganapan ng plano ng Diyos sa Kanyang ubasan. Gawain sa ubasan ang linisin at ihanda ang lupang tataniman. Tumutukoy sa paghahanda ng puso at kalooban tulad ng ginawa ni Juan Bautista na nananawagan ng pagtalikod sa kasalanan. Susunod ang pagtatanim ng mabuting puno ng ubas o binhing pinili para sa bukid. Tumutukoy sa pagtatanim ng Salita ng Diyos sa puso ng tao. Ang Salita na kasama ng Ama noon pa mang una, ito ang Salitang nagkatawang-tao at nanirahan sa piling natin. Mga kapatid, sadyang marami ang gawain sa ubasan ng Panginoon, handa ba tayong tumugon sa panawagan ni Jesus. Panginoon, marapatin Mo pong makatugon ako sa panawagan Mong maging matapat na katiwala Sa’yong ubasan. Amen.
“