EBANGHELYO: Mt 23:1-12
Sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi subalit huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitantao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawait sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. “Huwag kayong patawag na ‘guro’ sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging ‘ama’ ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na ‘gabay’ sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang magpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Analyn Pantojan ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Mga kapatid, araw-araw inaanyayahan tayo ng Panginoon na isabuhay ang Kanyang mga Salita na itinuturo sa atin sa pamamagitan ng homiliya ng pari o sa Banal na Kasulatan. Narinig natin sa ebanghelyo ngayon na “Ang sino mang magpakataas ay ibababa, at sino mang magpakababa ay itataas.” Naantig ang puso ko sa salitang ito ni Hesus at naalala ko ang isang karanasan. Tandang-tanda ko pa ang aking reaksyon ng panlulumo noong bumagsak ako sa isang pagsusulit. Kailangan kong suriin ang aking sarili kung bakit bumagsak ako sa exam na yun. Naging pabaya ba ako? Ano yung kulang bakit hindi ko naipasa yung exam? Binigay ko naman yung best ko, pero hindi pa rin sapat. Mga kapatid, masarap sa pakiramdam kapag pinupuri tayo dahil sa ating tagumpay. Pero sa experience ko ng pagbagsak sa exam, na- realize ko na tinuturuan ako ng Panginoon na magpakumbaba. Iniiwas ako ng Panginoon na maging proud, na sobrang magtiwala sa sariling kakayahan at sa huli, isantabi na siya sa aking buhay. Nagsasalita ang Diyos sa ating mga karanasan. Tinuturuan tayo nito na maging mapagkumbaba, mapagbigay at mahalin ang kapwa. Kinakailangan lamang na maging sensitive tayo sa Kanyang mahiwagang pagkilos sa ating buhay. Amen.