MATEO 20: 1-16
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tungkol sa nangyayari sa Kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang isang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ng isang baryang pilak isang araw ang mga manggagawa, at pinapunta na niya sila sa ubasan. “Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila. “Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. “Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Ba’t kayo nakatayo lang at maghapong walang ginagawa’ Sumagot sila: ‘Wala kasing umupa sa amin.’ Sinabi niya: ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ “Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-isang denaryo. Kaya pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari… “Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Kaibigan, hindi ko kinukuha ang sa iyo. Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis kana. Gusto ko ring bigyan ang gusto ko sa pera ko? Ba’t ka naiinggit dahil maawain ako?’ “Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”
PAGNINILAY:
Ngayong araw, ginugunita rin natin ang Pagkareyna ng Mahal na Birheng Maria. Sa ating pagdiriwang, alalahanin natin ang dasal na “Salve Regina” o “Aba po, Santa Mariang Birhen” na panalangin ng pagtitiwala kay Maria bilang tagasuporta ng mga Kristiyano at lahat ng mga humihingi sa kanya ng saklolo. Kabilang sa mga taguring ibinigay sa kanya ang “Bagong Eba,” “Pinagpala sa lahat ng mga Babae,” “Daluyan ng lahat ng mga Biyaya,” ”Kaagapay sa Misyon ni Jesus,” “Maria, Ina ng Diyos at Ina nating Lahat,” at “Maria, na Tagapagkalag ng Lahat ng Buhol sa Buhay.” O Maria, aming ina magpakailanman, sa tulong ng iyong biyaya, ng iyong pamamagitan, at ng iyong halimbawa, tulungan mo kaming mapanatili ang isang bukas at dalisay na puso sa paglilingkod at pagmamahal sa Diyos at sa kapwa, Amen.