EBANGHELYO: Jn 6:60-69
Sinabi ng mga alagad ni Jesus: “Sino ang makakarinig sa kanya?” Alam naman ni Jesus sa loob niya na nagbubulung-bulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: “Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? Ano kaya kung masaksihan ninyo ang Anak ng Taong umaakyat sa dati niyang kinaroroonan…? Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko ay Espiritu kaya buhay. Datapwat ilan sa inyo ang hindi naniniwala.” Sapagkat alam ni Jesus mula sa simula kung sino ang mga di maniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya. At sinabi niya: “Dahil dito kaya ko sinabi sa inyo na walang puwedeng lumapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama.” Kaya marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sa pagsama sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa Labindalawa: “Gusto rin ba ninyong umalis, Pedro?” “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay na walang hanggan ang iyong salita. Naniwala nga kami at nakilala namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Keiv Aires Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Madalas tayong nadadala ng mga matatamis na salita. Mas mabilis tanggapin at paniwalaan ang mga ganitong salita. Sa katunayan, hindi natin gusto ang mga prangka na tao. Dahil masakit at mahirap tanggapin ang kanilang mga sinasabi, lalo na kung may katotohanan ang mga ito. Hindi din mabilis tanggapin ang mga pahayag na taliwas sa ating pananaw, kahit na may pinupunto ito at nagpapahayag ng mas higit na katotohanan.// Ganito din ang naging reaksyon ng mga mga taga sunod ni Kristo nang sinabi ni Hesus na sya ang tinapay ng Buhay. Siya ang tinapay na kailangan nilang kanin. Hindi nila matangap ang katotohanang ipinapahayag ni Kristo. Sarado ang kanilang isip at puso at masyadong mahirap para sa kanila ang mga sinasabi ni Hesus. Ang tanging gusto lang nila ay ang nakakabusog sa katawan, ang kanilang pang madaliang pangangailangan, at hindi ang para sa buhay na walang hanggan.// Pero, ipinakita ni Pedro ang paraan kung paano magkaroon ng bukas na puso at isip at higit sa lahat ng matibay na pananampalataya. Maaring hindi din nauunawaan ni Pedro ang mga sinabi ni Hesus. Maaring taliwas din ito sa kanyang pananaw. Pero ipinakita ni Pedro ang pag salig kay Hesus, sa kanyang salita at katotohanan.// (Ano ang nararamdaman mo kapag naririnig mo ang salita ng Diyos na nangungusap sa’yo? Handa ka bang tanggapin ito nang may bukas na isip at puso? At higit sa lahat, may pananampalataya ka ba upang manitili kay Kristo?)