BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes mga ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Ika-dalawampu’t dalawa ngayon ng Agosto, ginugunita natin ang Pagkareyna ng Mahal na Birheng Maria. Pinaparangalan natin siya sa pamamagitan ng pagdiriwang ng kanyang lugar sa Kaharian ng Langit. Kasama ang kanyang Anak, dinarangal natin siya bilang Reyna at Ina. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata isa, talata dalawampu’t anim hanggang tatlumpu’t walo.
EBANGHELYO: Lk 1:26-38
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa Kaharian ng Langit. Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa isang kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Langit.” Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing: “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Jesus at sumagot: “Imposible ito para sa tao; subalit sa Diyos, lahat ay posible.” Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo: ano naman ang para sa amin?” “Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumusunod sa akin: sa Araw ng Pagbabago, pag-upo ng Anak ng Tao sa kanyang trono nang buong kaluwalhatian, uupo rin kayo sa labindalawang tribu ng Israel. At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa Pangalan ko, tatanggap siya ng sandaang beses at makakamit ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Miss Rona Lyn de Guzman ang pagninilay sa ebanghelyo. Nakaramdam ka na rin ba ng takot sa iyong buhay? Sa ating Mabuting Balita ngayon, natunghayan natin, na nagulumihanan ang Inang Birheng Maria sa winika ni Anghel Gabriel sa kanya. Kung ikaw ang nasa sitwasyon ng Inang Birheng Maria, ano kaya ang magiging reaksyon mo ng mga sandaling iyon? Ang hirap di ba? May mga gumugulo rin sa isipan ng Mahal na Birhen, pero sa huli, nagpasakop pa rin siya sa kung ano man ang nais ng Diyos para sa kanya. Kagaya ng Inang Birheng Maria, nagugulumihanan rin tayo sa mga pangyayari sa ating buhay, at dumarating sa punto, na hindi na natin alam kung ano ba ang mabuting gawin, sa kadahilanang marami tayong plano sa buhay. Mga kapatid, sa ipinakita ng Mahal na Birhen, nawa’y matuto tayong ipagkatiwala sa Diyos ang ating buhay.
PANALANGIN:
Panginoon turuan mo po kami na matutong sumunod sa iyong kalooban at ipagkatiwala ng buo ang aming buhay. Alisin mo po sa amin ang lahat ng takot na bumabagabag sa aming puso’t isipan at turuan mo po kami na umasa ng lubusan sa pamamaraan ng Diyos. Amen.