Ebanghelyo: Lucas 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus . Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.
Pagninilay:
Ang pinakadakilang bagay na maaaring gawin ng isang babae ay ang maglihi. Tanging ang babae lamang ang makagagawa nito. Kahit ang Diyos ay hindi naglihi. Kinailangan niya ang isang babae na magdadala kay Jesus sa kanyang sinapupunan sa kapangyarihan ng Espirito Santo. Ipinagdiriwang natin ang pagka-reyna ng Mahal na Birheng Maria sa araw na ito. Hindi siya reyna dahil mayaman siya o makapangyarihan. Siya ay reyna dahil sumagot siya ng “Oo” sa paanyaya ng Diyos na maging ina. At araw-araw niyang pinagbago ang pagtugon niya ng oo sa kalooban ng Diyos Ama. Maging sa hirap at saya, sa mga milagro at pagpapakasakit ni Jesus, nanatili siyang bukas at masunurin sa kalooban ng Ama; nananalangin at nagninilay ang kanyang puso. Kaya naman bago siya mamatay, inihabilin niya tayo sa mapagkandiling pagmamahal ng Mahal na Birheng Maria. Namimintuho ka ba kay Mama Mary? Isa sa napakadaling panalangin ay ang ‘Aba Ginoong Maria.’ Dasalin mo ito nang tatlong beses pagkagising at bago matulog araw-araw. At mararanasan mo ang mapagpalang paglukob sa iyo ng ating Mahal na Ina at Reyna araw-araw, 24/7.