Daughters of Saint Paul

AGOSTO 23, 2021 – LUNES SA IKA–21 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 23:13-22

Sinabi ni Jesus: “Kaya kawawa kayo mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Isinara ninyo ang Kaharian ng Langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumasok at hindi rin niyo pinapasok ang mga makapapasok. Kawawa kayo mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Nililibot ninyo ang dagat at lupa para maghanap ng isang bagong tagapaniwala at pagka-paniwala n’ya ginagawa n’yo s’yang anak ng impyerno na mas masahol pa sa inyo. Kawawa kayong mga bulag na taga-akay. Sinasabi ninyong walang bisa kung sa Templo nanunumpa subalit may bisa kung sa ginto ng Templo. Mga bulag at baliw, alin ba ang mas mahalaga, ang ginto sa Templo o ang Templong nagpapabanal sa gintong ito? Ang sabi ninyo’y walang bisa kung sa Altar manunumpa subalit may bisa kung sa handog na nasa Altar. Mga bulag, alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang Altar na nagpabanal sa handog? Ang manumpa sa ngalan ng Altar ay dito at sa lahat ng narito nanunumpa. Ang sinumang sumumpa sa Templo ay sumusumpa dito at sa Diyos na naninirahan sa Templo. Ang sinumang manumpa sa Ngalan ng Langit ay saTrono ng Diyos at sa nakaupo rito nanunumpa.  

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Junlyn Maragañas ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.  Tinuligsa ni Hesus ang uri ng kabanalan ng mga eskriba at Pariseo dahil hindi nila isinasabuhay ang kanilang ipinangangaral. Ang kanilang pagsamba ay hindi tunay na ekspresyon ng kanilang niloloob.//   (Sa ating kalooban, maaaring makilala ang tunay at totoo sa ating sarili. Maaaring ikubli ng anyo ang nilalaman ng puso. Maraming pagkakataon din na ‘peke’ at hindi tunay ang ipinapakita natin sa kapwa-tao.//) Sabi ni Henri Nouwen, “Our heart is the only place where we are most real.” Hindi pwedeng magkunwari ang puso. Puso at hindi anyo ang nagsasabi ng totoo. Loob at hindi labas ang tinitingnan ng Diyos sa tao.//  Ang isang dalisay na puso ay magbubunga ng purong pag-uugali. We walk the talk ika nga.//  Mga Kapatid, ang ating pananampalataya ay higit pa sa seremonyas, kagalingan sa kredo o pagiging eksperto sa Biblia maging sa batas, kundi paglingap sa nangangailangan, pag una sa tunay na mahalaga at pagsunod sa turo at halimbawa ni Hesus.// Suriin natin ang ating mga puso, tumutugma ba ang aking mga pananalita sa aking mga ginagawa? 

PANALANGIN

Manalangin tayo sa panalanging ito ni San Ignacio: Pinakamamahal na Panginoon, turuan mo akong maging bukas-palad. Sa Iyo’y maglingkod ng karapat-dapat, magbigay ‘wag sa gugol masindak. Makibaka’t huwag mag-inda ng sugat, magsikap at hindi pahinga ang hanap, gumawa at h’wag maghintay ng bayad, maliban na lamang sa gunitang hanap, na kalooban Mo’y aking ginaganap. Amen.