Daughters of Saint Paul

Agosto 23, 2024 – Biyernes sa Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon | Paggunita kay Santa Rosa de Lima, dalaga

Ebanghelyo: Mateo 22,34-40

Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Hesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya’t sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may isa pang ikalawa na tulad nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”

Pagninilay:

Tota in toto corpore. Hala, nakaka-nose bleed ba? Kapanalig, galing ito kay Santo Tomas Aquino. Ito raw ang ‘kabuuan sa buong katawan’. Para ma-gets nating mabuti, di ba, sinabi ng ating Hesus Maestro na ang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip natin, i-pokus sa pagmamahal sa Diyos? Kapag sinabing puso, hindi lang ito ang ating tumitibok na heart. Ang kaluluwa? Hindi lang ito ang ating hininga. Ang pag-iisip? Hindi lang ang utak na nasa ulo natin. Ang puso, kaluluwa, at isip, inihulma sa pagiging kalarawan at wangis ng ating Diyos. Ang puso ang pinakalihim na kaibuturan at sanktuwaryo ng tao. Ang kaluluwa, ang ispiritu na inihinga sa atin para magkabuhay tayo. Ang pag-iisip, ang kakayanang makakilala at makaunawa sa tinig ng Diyos. Matatawag natin ito na ating “persona”. Ang ating sarili. Sa atas din ng ating Hesus Maestro na mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili, iisa rin ang kahulugan. Ang heart, soul and intelligence ay kabuuan ng ating sarili.  Kapanalig, sa mga prayers natin, nasasambit natin “I love you, Lord.” “Labs kita” o “labs labs”  naman sa iba. Madaling sabihin pero paano ang gawa? Si St. Rose of Lima na ipinagdiriwang natin ngayon ay halimbawa ng tunay na nagmamahal sa Diyos at kapwa ng kanyang buong puso, kaluluwa at pag-iisip. Sa kanyang kabataan, minahal niya ang kanyang mga tinik tulad ng rosas. Three times a week siyang nag-aayuno. In secret, nagpepenitensya para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Paborito niyang makipag-usap sa Banal na Sakramento. Sa kinikita niya mula sa kanyang mga embroideries, iyon ang ipinapakain niya sa mga poor. Kapanalig, gaano kahalimuyak tulad ng rosas ang kabuuan ng iyong sarili? Mahalimuyak ba ito sa Diyos at sa ating kapwa?