Daughters of Saint Paul

Agosto 24, 2017 HUWEBES sa Ika-20 Linggo ng Taon / Kapistahan ni San Bartolome, apostol

 

Pag 21:9b-14 – Slm 145 – Jn 1:45-51

Jn 1:45-51

Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, siya ang natagpuan namin – si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.”

Sinabi sa kanya ni Natanael: “May mabuti bang galing sa Nazaret?” Sagot ni Felipe: “Halika’t tingnan mo.”

Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.”  Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.”

Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” Sumagot si Jesus: “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.”

At idinugtong ni Jesus:  “Talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”

PAGNINILAY

Madalas nating marinig sa mga tinatawag na “Born Again Christians” na “Natagpuan ko na ang aking Panginoon at Tagapagligtas.”  Tila ba sinasabi nito na nagtatago ang Panginoon at natuklasan natin Siya.  Pero sa Ebanghelyong ating narinig, iba ang totoong nangyayari sa mga pagbabalik-loob.  Hindi natatagpuan ang Panginoon, sa halip, natatagpuan Niya tayo.  At mula roon, patuloy Niya tayong hinahabul-habol lalo na kapag lumalayo tayo sa Kanya.  Ganito ang nangyari kay Natanael!  Sa pamamagitan ni Felipe, tinawag ng Panginoon si Natanael pero alanganin itong tumugon.  Pero nang magkaharap sila ng Panginoon, tuwirang sinabi nito na matagal na siyang natagpuan ng Panginoon, at ngayon muli siya nitong inaanyayahan.  Mga kapatid, hindi ang Panginoon ang natatagpuan natin; Siya ang nakatagpo sa atin.  Araw-araw hinahanap tayo ng Diyos, parang magulang na tuwang-tuwang pinagmamasdan ang kanyang anak.  Hinahabul-habol Niya tayo.  Pero madalas, nagtatago tayo at nagpapahabol.  Hindi tayo makapaniwala na ang isang Butihing Diyos nating Tagapaglikha – magtitiyagang mahalin ang isang taong mahina at makasalanang tulad natin.  Pero iyon ang totoo!  Hangad Niya lagi ang ating kaligtasan at buhay na walang-hanggan ang pangarap Niya para sa atin.  Parang “it’s too good to be true!”  Kaya nga, huwag na tayong magtago at magpahabol sa Panginoon.  Salubungin natin Siya at tanggapin sa ating buhay.