JUAN 1:45 – 51
Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, siya ang natagpuan namin – si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “May mabuti bang galing sa Nazaret?” Sagot ni Felipe: “Halika’t tingnan mo.” Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” Sumagot si Jesus: “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.” At idinugtong ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
PAGNINILAY:
Kapag Ilokano, matipid. Pag Ilonggo, malambing. Pag Tagalog, mayabang. Pag Kapampangan, masarap magluto. Waring may nabuo na tayong de-kahong paniniwala sa mga tao at bagay-bagay sa paligid. Halos hindi ito naiiba nang sabihin ni Natanael na, “May mabuti bang galing sa Nazareth?” Sinabi niya ang totoo batay sa sariling paniniwala at sa karaniwang palagay ng iba pa niyang kababayan. Sa halip magalit, pinuri ni Jesus ang katapatan ni Natanael at sinabi, “Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.” At dahil din sa katapatan ni Natanael, madali niyang natanggap ang katotohanan at masabing, “Rabbi, ikaw ang anak ng Diyos, ikaw ang hari ng Israel.” Magagawa lang ng isang tao ang tama kung magiging tapat siya sa sarili. Kung magkakaroon siya ng lakas at kababaang-loob na tanggapin ang kanyang mga kahinaan, kakulangan at mga kasalanan. Hindi ito madali. Posibleng araw at gabi siyang lumuha. Bubuhos din ang sakit sa buo niyang pagkatao. Pero, unti-unti, luluwag at papayapa ang kanyang dibdib. Lilinaw ang puso. At sa hulihaý makadarama ng paglaya para magawa ang tama. O, mahal na Espiritu Santo, ikaw ang aking liwanag at tanglaw. Huwag mo akong pabayaan at akayin sa landas ng katotohanan at katwiran, para gaya ni Natanael ay makasama si Jesus sa buhay na walang-hanggan, Amen.