Daughters of Saint Paul

AGOSTO 24, 2021 – MARTES SA IKA–21 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Jn 1:45-51

Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinutukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, siya ang natagpuan namin – si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.” “May mabuti bang galing sa Nazaret?” “Halika’t tingnan mo.” Nakita ni Jesus na palapit sa kanya si Natanael at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.” “Paano mo ako nakilala?” “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo. Talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Emy Tuazon ng Institute of Our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa mabuting balita ngayon tinawag ni Felipe si Natanael upang ibalita ang tungkol kay Hesus. Ang tugon ni Natanael, may mabuti  bang bagay na magmumula sa Nazaret?  Mga kapatid, hindi lahat ng imbitasyon ay nais nating tugunan. Gusto natin na sigurado tayo sa ating pupuntahan at masaya tayo sa ating gagawin.  May mga pagkakataon na tinatawag tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng ating mga kaibigan, kapatid o ibang tao at hindi rin tayo agad nakatutugon. Alam iyon ng Panginoon at Sya ang magbibigay lakas sa ating kahinaan upang tayo ay buong layang makalapit sa Kanya. God qualifies those whom He calls.  Tinatawag Nya tayo sa mas makahulugan at mas malalim na ugnayan sa Kanya.  Sa mga pagkakataon ng pag – aalinlangan, kapit lang tayo kay Lord.  Nais ng Panginoon ang isang ganap na buhay para sa atin.// Ngayong panahon ng pandemya sumusunod tayo sa mga health protocols upang mapanatiling  malusog at malakas ang ating katawan. Sa ating buhay espirituwal ano ang ating mga health protocols?  Bilang kristiyano tungkulin nating ingatan ang ating katawan at kaluluwa at ganoon din sa ating kapwa.  Kung may pagkilos tayo upang hindi makahawa ng sakit, nawa meron din tayong pagkilos upang makahawa ng pananampalataya sa Diyos. Amen.