Ebanghelyo: Juan 1,45-51
Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinutukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, siya ang natagpuan namin – si Hesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.” “May mabuti bang galing sa Nazaret?” “Halika’t tingnan mo.” Nakita ni Hesus na palapit sa kanya si Natanael at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.” “Paano mo ako nakilala?” “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo. Talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
Pagninilay:
May paborito ka bang restaurant o kainan? ‘Di ba’t kadalasan, pilit nating sinasama yung mga kaibigan at kapamilya natin sa mga paborito nating kainan o puntahan para pati sila, maka-experience ng magandang view o masarap na pagkain. Walang nag-utos sa atin na gawin ‘yun, ginawa at ginagawa nating kusa kasi gusto natin na masiyahan din ‘yung mga minamahal natin, kagaya nung saya natin sa pagkain sa restaurant o sa pag-enjoy ng view sa isang lugar. Ganyang-ganyan ang nagawa ni Felipe kay Nathanael. Walang nag-utos kay Felipe, kusa niyang nilapitan si Nathanael para ituro si Hesus kasi alam niyang si Hesus ang hinihintay ng mga tao. Walang kailangang mag-utos kay Felipe kasi ramdam niya mismo ang saya at pag-ibig na binibigay ni Kristo. Hindi ko kayo sasabihang gayahin si Felipe. Pero sana ay maranasan natin ang naranasan ni Felipe – ang natural na kaligayan at pag-ibig mula sa Diyos, na napaka-makapangyarihan na tayo mismo ang hindi matatahimik hangga’t hindi natin isine-share sa iba. Ipanalangin nating mabigyan tayo ng grasya na maranasan ang naranasan ni Felipe.