EBANGHELYO: LUCAS 13:22-30
Dumaan si Jesus sa mga lunsod at mga nayon, na nangangaral habang papunta siya sa Jerusalem. May nagtanong sa kanya: “Panginoon, kakaunti nga ba ang maliligtas?” At sinabi ni Jesus sa mga tao: “Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat sinasabi ko sa inyo: marami ang gustong pumasok at hindi makapapasok. Kapag tumindig na ang may-ari ng bahay at naisara na ang pinto, tatayo kayo sa labas na kumakatok at magsasabing ‘Panginoon, buksan mo kami.’ Sasagot naman siya sa inyo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo.” “Kaya sasabihin n’yo: ‘Kami ang kumain at uminom na kasalo mo, at sa aming mga lansangan ka nangaral.’ Ngunit sasagutin niya kayo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo. Lumayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama.’ Naroon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin pagkakita ninyo kina Abraham, Isaac, Jacob, at sa lahat ng propeta sa Kaharian ng Diyos, at ipagtatabuyan naman kayo sa labas. At makikisalo naman sa Kaharian ng Diyos ang mga darating mula sa silangan, kanluran, timog, at hilaga. Oo, may mga huli ngayon na mauuna at may mga una na mahuhuli.”
PAGNINILAY:
Sa narinig nating tanong kung kaunti lamang ba ang maliligtas, may dalawang pananaw sa pagsagot nito: may tinatawag tayong “inclusive view”at “exclusive view”. Sa inclusive view, naniniwala na marami ang maliligtas hindi lamang mga Judio at Kristiyano, kundi lahat ng taong may mabubuting kalooban at namumuhay sa pagmamahal. Sa exclusive view naman, sinasabi na kami lang ang maliligtas – katulad ng itinuturo ng ilang sekta ng relihiyon. Sinasabi nila na ang mga nasa labas ng kanilang grupo, tiyak na sa impiyerno mapupunta. Pero sa Ebanghelyong ating narinig, mapapansin na hindi sinagot ng diretso ni Jesus ang tanong. Sa halip, mas binigyan Niya ng pansin kung paano tayo maliligtas – “Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan.” Mga kapatid, si Jesus ang makipot na pintuan, ang pintuan ng mga kordero. Ang Kanyang tinahak na daan, ang daan ng krus, alang-alang sa dakilang pagmamahal Niya sa atin. Ganun din ang paanyaya Niya sa atin. Sikapin nating pumasok sa makipot na pintuan sa pamamagitan ng pagpasan ng ating pang-araw-araw na krus nang may pagmamahal. Ang pagpapasensya sa mga taong mahirap pakisamahan, ang magpatawad sa mga taong nakasakit ng ating damdamin, ang pagsukli ng kabutihan sa masamang ginawa sa atin – ang ilan lamang konkretong halimbawa nang pagpasok sa makipot na daan. Totoong hindi natin ito magagawa, kung aasa tayo sa sarili nating kakayahan. Pero kung hihingi tayo ng tulong sa Panginoon, hinding-hindi Niya tayo bibiguin. Dahil tanging sa Kanyang pangalan lamang, makakamit natin ang kaligtasan at buhay na walang hanggan. Amen.
“