EBANGHELYO: Mt 23:23-26
Sinabi ni Jesus: Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hindi ninyo nalilimutan ang mint, anis at kumino sa pagbabayad ninyo ng ikapu ngunit hindi ninyo tinutupad ang pinakamahalaga sa Batas: ang katarungan, awa at pananampalataya. Ito ang nararapat isagawa na hindi kinakaligtaan nang iba. Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang lamok subalit nilulunok ang kamelyo. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng plato at kopa ngunit pinupuno naman ninyo naman ang loob ng pagnanakaw at karahasan at binabasbasan ang mga ito. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang loob, at lilinis din ang labas.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Paano mo naipapakita sa iba ang mukha ng iyong kalooban? Kung bibigyan mo ng hugis ang salitang katapatan, anong image ang i-do-draw mo? Kung magtuturo ka sa isang paslit na bata, paano mo ipapaliwanag ang katapatan ng kalooban? Totoo ang kasabihan na “Sincerity is the face of the soul.” Sa ating katapatan, masisilip ng iba ang ating kalooban. (I-review natin ang salitang katapatan ng kalooban o “sincere” sa salitang english. Sa Latin ito ay “sincere”(sìntsere) . Pinagsama na sine at cera (tsera). Sine, ibig sabihin, without o wala. Cera, ibig sabihin, wax o pagkit. Ibig sabihin without wax. Walang pagkit. Hindi plastic. Tunay!) Kaya matatawag din natin na taos-puso. Taos sa loob. Kaya pumunta tayo sa drawing. Bago ako pumasok sa pagmamadre, katekista ako. At bago ako magkatekista, may retreat kami noon at ipinadrawing ang mga dapat na characteristics ng isang pagiging Kristiyano. Ang natapat sa akin, ang sincerity. Dahil eksperto ako sa pagdraw ng puso. Naglagay ako ng pitong puso sa taas. Pareparehong kulay pula, iisa ang size, at pinagsikapan kong halos iisa ang itsura ng puso. Pagkatapos, iginuhit ko si stickman, dahil, yun lang ang alam kong iguhit. Ang isang puso, inilagay ko sa bibig, ang isa sa kamay, ang isa pang heart, sa dibdib, yung dalawa sa magkapitbahay na mata, at ang natirang dalawa, sa magkabilang tainga. Dahil napagnilayan ko na dapat nagkakasundo ang nasa kalooban ko, sa sinasabi ko at ginagawa ko, sa paningin ko at ang paraan ng pakikinig ko. Yun ang taos- puso. Tumatagos ang laman ng puso sa binibigkas ko, sa tinitingnan ko, sa ikinikilos ko, sa pinakikinggan ko. Mahirap yun. Hanggang ngayon pinagsisikapan ko ring tuhugin ang pitong puso para maging isa. Ang mukha ng kalooban ko naririnig sa aking bibig, sumisinag sa aking kamay, naaaninag sa aking mata, at tumataginting sa aking tainga. At kung kaharap natin ang iba, hindi ang mukha natin ang ating makikita, kundi mukha ni Kristo.