EBANGHELYO: Mt 23:27-32
At sinabi ni Jesus: “Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Para kayong mga pinaputing libingan na maganda sa labas subalit puno ng buto ng mga patay at ng iba pang karumihan ang loob. Gayundin naman, mukha kayong mga taong banal subalit puno naman ng pagkukunwari at kasamaan ang kalooban. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nagtatayo kayo ng mga monumento para sa Mga Propeta at pinapalamutian ang mga bantayog ng mga banal na tao. Sinasabi ninyo: ‘Kung tayo ang nabuhay sa panahon ng ating mga ninuno, hindi sana sumang-ayon na patayin ang mga Propeta.’ Kaya kayo ang umaamin na mga anak kayo ng mga pumatay sa Mga Propeta. At ngayon, tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno.
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Brian Tayag ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Paano malalaman na tunay ngang malinis ang isang bahay? Hindi sa nakikita ng mata ang batayan, kung malinis nga ang bahay, kundi yaong nakatago tulad ng mga sulok ng pader, ilalim ng upuan, mesa, at kama. Sinasabi ring wala sa panlabas na anyo ang tunay na kagandahan. Ito ang hayagang salita ni Hesus: Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayo’y waring mga pinaputing libingan. Sa labas, malinis at mapuputi at mistulang mga banal, pero punung-puno ng karumihan at kasalanan ang puso at kalooban. Ito ang hamon sa atin ni Hesus, “mainam na suriin din natin ang sariling buhay.” Ito ang paalala niya sa atin dahil nakita niya mismo kung paanong umasta ang mga eskriba at mga Pariseo noong kapanahunan niya. Laging inuuna ng mga eskriba at Pariseo ang kanilang kapakanan. Ang kapakanang sila’y makitang mabuti at kanais-nais sa mata ng tao. Ang lahat ng kanilang gawain ay tila pakitang-tao lamang. Ang masama pa rito, naturingang taga-turo ng Batas pero sila mismo ang bumabaluktot sa kanilang itinuturo. They do not practice what they preach. Mga kapatid, madalas kapag nabibigyan tayo ng posisyon sa komunidad, umangat ang estado sa buhay, naging tanyag, nabubulag tayo sa mga papuring natatanggap. Umaasta tayong parang hawak natin ang mundo sa ating mga palad. Ang hamon para sa atin ay huwag ipakita o ipagmalaki ang ating kataasan sa ibang mga tao. Sa halip, dapat nating itaas ang mga tao at bigyan sila ng kagalakan at kahulugan. Ito ang kaibahan ni Hesus sa mga eskriba at Pariseo. Hindi siya nagpakasasa sa katanyagan. Kung ano ang turo, siyang gawa. Nagpakababa siya upang sa pagpapakababa niya ang tao ay maiangat. Nawa’y sa araw-araw nating pamumuhay maging katulad tayo si Hesus; maging totoo tayo sa ating sarili at huwag tularan ang mga eskriba at Pariseo, na mga ipokrito.