Daughters of Saint Paul

AGOSTO 25, 2023 – BIYERNES SA IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | San Luis, hari / San Jose Calazans, pari     

BAGONG UMAGA

Magandang-magandang araw ng Biyernes ginigiliw kong kapatid kay Kristo.  Ika-dalawampu’t lima ngayon ng Agosto, ginugunita natin sina San Luis na isang hari, at San Jose Calanzag na isang pari.  Pasalamatan natin ang Diyos sa mga banal na ito, at sa tulong ng kanilang panalangin, hilingin nating lumago tayo sa tunay na pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.  Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon Kay San Mateo kabanata Dalawampu’t dalawa, talata tatlumpu’t apat hanggang apatnapu.

EBANGHELYO: Mt 22:34-40

Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya’t sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may isa pang ikalawa na tulad nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”

PAGNINILAYMula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kapatid, paano mo mapatutunayan na mahal mo ang Diyos? Sa ating Mabuting Balita ngayon, ibinigay ni Hesus ang buod, ng lahat ng mga kautusan ng Diyos: pag-ibig sa Diyos nang buong puso, kaluluwa at pag-iisip, at pag-ibig sa kapwa gaya ng sa sarili. Paano ba natin maipadarama ang pag-ibig sa Diyos, na hindi naman natin nakikita? Kapatid, sa kaibuturan ng ating puso, mararamdaman natin kung ano ang nais ipagawa sa atin ng Diyos, bilang konretong expresyon ng pag-ibig natin sa kanya. Nagbakasyon ako sa amin noong nakaraang buwan. Sumakay ako ng bus, upang dumalo sa silver anniversary ng kaibigan kong pari. Sinabi ko sa konduktor kung saan ako bababa. Tumango sya, kaya tiwala akong alam nya kung saang lugar yon, kaya lang, ibang lugar pala ang nasa isip nya. Lagpas sa dapat kong babaan, kaya sumakay ako ng dyep pabalik. Inis na inis ako, kasi mahuhuli na ako sa Banal na Misa. Pero naisip ko, kasalanan ko rin, kasi hindi ko nabantayan ang mga dinadaanan ng bus. Nagmamadali akong sumakay ng traysikad, kaso parang pagong sa bagal ang takbo nito. Gusto ko nang magdemand na bilisan ang pagpedal, nang masulyapan ko ang paa ng driver. Pilipit pala ang paa nito, kaya mabagal syang magpedal. Bigla akong nakadama ng awa, kaya hindi na ako nagdemand. Nagdasal na lang ako na sana hindi pa ako mahuli sa Banal na Misa. Kapatid, ng mga sandaling yon, naramdaman kong konting pasensya at pang-unawa ang hinihingi sa akin ng Diyos, bilang konretong expresyon ng pag-ibig ko sa Kanya, kaya magaan sa loob ko itong ibinigay na pumawi sa aking pagkainis.  Sa kabila kasi ng kapansanan ng driver, nagtatrabaho ito ng marangal, sa halip na mamalimos sa daan. Ramdam ko na mahal sya ng Diyos, kasi biglang nawala ang pagkainis ko. At alam nyo ba, patapos pa lang ang entrance hymn ng dumating ako sa loob ng Simbahan. Nakaupo pa ako ng maayos, at on time sa pag-sign of the cross. Kay buti talaga ng Diyos!