Ebanghelyo: Jn 6:60-69
Sinabi ng mga alagad ni Jesus: “Sino ang makakarinig sa kanya?” Alam naman ni Jesus sa loob niya na nagbubulung-bulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: “Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? Ano kaya kung masaksihan ninyo ang Anak ng Taong umaakyat sa dati niyang kinaroroonan…? Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko ay Espiritu kaya buhay. Datapwat ilan sa inyo ang hindi naniniwala.” Sapagkat alam ni Jesus mula sa simula kung sino ang mga di maniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya. At sinabi niya: “Dahil dito kaya ko sinabi sa inyo na walang puwedeng lumapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama.” Kaya marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sa pagsama sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa Labindalawa: “Gusto rin ba ninyong umalis, Pedro?” “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay na walang hanggan ang iyong salita. Naniwala nga kami at nakilala namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”
Pagninilay:
Father, “nawala na kasi yung kilig at” Father, “hindi na kasi ako masaya.” Ito ang mga nasabing dahilan nang tanungin ko ang aking kaibigan kung bakit sila naghiwalay ng kanyang kasintahan. Di ko naman siya masisisi kung sa ganitong dahilan niya iniwan ang kanyang dating minahal. Isang taong pinangakuan, inalagaan at inibig. Marahil ay may nangyari sa proseso at sa kanilang kwento.
Isang masakit na karanasan ang maiwan at bitawan, at maging ang bumitaw sa dating pinanghahawakan. Ganito tayo sa ating ibang relasyon, subalit ganito rin kaya tayo sa Diyos? Ito ang naging karanasan ni Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon. Narinig natin na pagkatapos magpahayag ni Hesus na siya ang Tinapay ng Buhay, iniwan siya ng marami sa kaniyang mga taga-sunod. Hindi nila matanggap at maunawaan ang kanyang ipinapahayag. Kaya ganun-ganun na lang ang pag-iwan sa kanya ng mga ito. Mabuti na lang at naroon ang mga apostoles, na kahit hindi nila lubos na nauunawaan at nahihirapang tanggapin ang mga ipinapahayag ni Hesus, ay piniling manatili sa kanya. Sa panahon natin ngayon, mayroon tayong tinatawag na buffet Christianity. Ito yung pagpili lang ng ating pinaniniwalaan at isasabuhay sa pananamapalatayang Kristiyano. Kung ano lang ang komportable at pabor sa atin, yun lang ang ating pinipili. At kung anuman ang taliwas sa ating personal na paniniwala ay agad nating tinatalikuran. Hindi lubos ang ating pagsunod kay Kristo. Mga kapatid, buong pagkatao at buong pagsalig ang hinihingi sa atin ni Hesus. Mahirap man ang landas ng pagsunod at pag-unawa sa kanyang ipinapahayag, kumapit tayo at piliin nating lagi si Hesus.