Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa Kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na aba yang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: 'Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!' Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang mga lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: 'Bigyan naman ninyo kmai ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming mga lampara.' Sumagot ang matatalino: 'Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang kumuha kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.' "Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: 'Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami!' Ngunit sumagot siya: 'Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.' "Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras."
PAGNINILAY
Mga kapatid, ang pagiging handa ng mga matatalinong abay sa kasalan ang siya ring inaasahan sa atin ng Diyos. Maging handa nawa tayong lagi sa mga bagay na makapagdadala sa atin sa Kaharian ng Diyos. Hindi tayo dapat maubusan ng langis ng pagmamahal upang patuloy tayong makapagbigay ng liwanag para sa iba habang hinihintay natin ang pagdating ng Panginoon. Sa ating karanasan, minsan napapagod na tayong magmahal, lalo na sa mga taong parang wala nang pag-asang magbago. Napapagod at nawawalan na ng pasensiya ang mga magulang sa mga pasaway na anak; ang mga guro sa mga walang respeto at problematic na estudyante; si mister, sa pagbubunganga ni misis; at si misis naman, sa mabisyo at mabarkadang mister, at marami pang iba. Bagamat mahirap ang malagay sa ganitong sitwasyon, pero ito ang mga pagkakataong inaanyayahan tayo ng Panginoon na magmahal nang lubos – pairalin ang pagmamahal kaysa poot; ang pag-unawa kaysa paghuhusga; ang grasya ng Diyos kaysa pagsuko. Totoo, hindi natin kayang baguhin ang kalooban ng tao, pero maaari nating baguhin ang ating pakikitungo sa kanila. Ipagdasal sila, gawan sila nang mabuti, sa kabila ng sama nang loob na dinudulot nila sa atin. Sa ganitong paraan, hindi tayo mauubusan ng langis ng pagmamahal hanggang sa araw ng pagdating ng Panginoon. Panginoon, tulungan Mo po akong makatugon sa hamon ng ebanghelyo. Amen.