Daughters of Saint Paul

Agosto 26, 2017 SABADO sa Ika-20 Linggo ng Taon / San Bregwin

Ru 2:1-3, 8-11; 4:13-17 – Slm 128 – Mt 23:1-12

Mt 23:1-12

Sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad:  “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Nginit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitantao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ang Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang mga noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao.

“Huwag kayong patawag na guro sapagkat isa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din n'yong tawaging ama ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na gabay sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin n'yo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.” 

PAGNINILAY

May aral tungkol sa pagpapakababa ang ebanghelyong ating narinig.  Pinapaalalahanan tayo nito na kung nakagagawa man tayo ng kabutihan sa kapwa, kung nag-aabot tayo ng tulong sa mga kapuspalad, nagbibigay ng donasyon sa simbahan at sa mga charitable institutions, at iba pang pagkakawanggawa – huwag na natin itong ipamalita para umani ng parangal at palakpak mula sa madla, dahil ang Ama sa Langit na nakakikita ng mga kabutihang ginagawa natin ng lihim, ang Siyang gagantimpala sa atin.  Kaya nga tinuligsa ng Panginoong Jesus ang mga guro ng batas at Pariseo, dahil gusto nila ng special treatment mula sa mga taong kanilang pinaglilingkuran, maparangalan at mabati sa mga liwasan, at matawag na mga guro ng mga tao.  Suriin natin ang ating gawaing paglilingkod at pagtulong sa kapwa?  Ano ba talaga ang ating motibasyon, bakit ginagawa natin ito?  Ito ba’y nanggagaling sa pusong tunay na may malasakit? O promosyon ng ating sarili o ng institusyong ating kinabibilangan para sa ating sariling kapakinabangan?  Anuman ang motibasyon natin sa paggawa ng mabuti, nalalaman lahat ito ng Panginoon, dahil batid Niya ang tunay na nilalaman ng ating puso.  Panginoon, pakalinisin Mo po ang aking hangarin sa paggawa ng mabuti at pagtulong sa kapwa.  Manggaling nawa ito sa pusong tunay na may pagmamahal at malasakit sa nangangailangan.  Gamitin Mo po ako para Sa’yong kapurihan.  Amen.