JUAN 6:60 – 69
Sinabi ng mga alagad ni Jesus: “Mabigat ang salitang ito. Sino ang makakarinig sa kanya?” Alam naman ni Jesus sa loob niya na nagbubulung-bulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: “Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? Ano kaya kung masaksihan ninyo ang Anak ng Taong umaakyat sa dati niyang kinaroroonan…? Ang espiritu ang nagbibigay-buhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko ay espiritu kaya buhay. Datapwat ilan sa inyo ang hindi naniniwala.” Sapagkat alam ni Jesus mula sa simula kung sino ang mga di maniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya. At dinugtong niya: “Dahil dito kaya ko sinabi sa inyo na walang puwedeng lumapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama.” Kaya marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sa pagsama sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa Labindalawa: “Gusto ba rin ninyong umalis?” Sumagot sa kanya si Simon Pedro: “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay na walang hanggan ang iyong salita. Naniwala nga kami at nakilala namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”
PAGNINILAY:
Hindi madali ang sumunod sa landas ni Jesus. Daan ito ng krus. Kakabit ng salitang krus ang matinding paghihirap. Walang katapusang pasakit. Habambuhay na pagtitiis at paglilingkod sa mga taong bahagi ng buhay. Buong- pusong pagbibigay ng sarili sa iba. Sa madaling salita, ang pagharap at pagpasan sa sariling krus araw-araw gaya ni Jesus. May isang kapatid na sumulat. “Nakalimutan ng yata ako ng Diyos. Retired na kami ng asawa ko at parehong walang trabaho. Inaalagaan ko pa rito sa bahay ang maysakit na kapatid. Wala na akong pambili ng gamot at dalawang beses na lang kumakain. Paano na kami? Nasaan na ang Diyos? Tunay, wala ngang katiyakan kung ano ang mangyayari bukas. Ang magagawa’y kumapit nang mahigpit habang nagdaraan sa madilim, mabato at malubak na daan. Lord, ikaw ang driver, bahala ka na sa amin. Hindi mo kami bibigyan ng pagsubok na hindi namin makakayang lampas an. Kaya nga, masisisi ba natin si Pedro at ang mga alagad kung sabihin nilang “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay na walang hanggan ang iyong salita. Naniniwala nga kami at nakilala naming ikaw ang Banal na Diyos.” Tayo man ay isa-isang tinatanong ni Jesus ngayon: “Gusto mo rin bang umalis?” O, Jesus, paulit-ulit kaming nagkakasala at nawawalan ng tiwala sa iyo. Bigyan mo kami ng lakas para kailanmaý huwag malayo sa iyo yamang ikaw ang daan, ang katotohanan at ang buhay, Amen.