EBANGHELYO: MATEO 23: 13-22
Sinabi ni Jesus: “Kaya kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Isinara ninyo ang kaharian ng Langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumasok at hindi rin ninyo pinapasok ang mga makapapasok. Kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Nililibot ninyo ang dagat at lupa para maghanap ng isang bagong tagapaniwala at pagkapaniwala niya, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno, na mas masahol pa sa inyo. Kawawa kayong mga bulag na tagaakay! Sinasabi ninyong ‘Walang bisa kung sa Templo nanunumpa, subalit may bisa kung sa ginto ng Templo.’ Mga bulag at baliw! Alin ba ang mas mahalaga? Ang ginto sa Templo o ang Templong nagpapabanal sa gintong ito? Ang sabi ninyo’y walang bisa kung sa altar manunumpa subalit may bisa kung sa handog na nasa altar. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga: ang handog o ang altar na nagpabanal sa handog? Ang manumpa sa ngalan ng altar ay dito at sa lahat ng narito nanunumpa. Ang sinumang sumumpa sa Templo ay sumusumpa dito at sa Diyos na naninirahan sa Templo. Ang sinumang manumpa sa ngalan ng Langit ay sa trono ng Diyos at sa nakaupo rito nanunumpa.
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyo ngayon, mababanaag ang napakalakas na paghihimutok ng kalooban ng ating Panginoong Jesus sa mga Pariseo at mga Escriba. Bagamat sila sana ang maaasahan sa pangangaral ng tama at pagbibigay ng magandang halimbawa para sa mga kapwa Hebreo, dahil sila ang may kahandaan at may kaalaman tungkol sa Diyos na nagpapala sa kanila araw-araw, sila naman ang hindi nakakaunawa at di tumatanggap sa mga gustong iparating at ibahagi ng Panginoong Jesus sa kanilang lahi. Sobrang sarado na ang kanilang puso’t isipan dahil sa pangkaraniwang pagtingin nila kay Jesus. Akala nila, tama ang mga ginagawa nila at malakas ang loob nilang umasta na sila ang may susi sa kaharian ng Diyos. (Sr. Lyn Lagasca, fsp)
PANALANGIN:
Mahal na Espiritu Santo, liwanagan mo kami ng wastong pang-unawa sa mga turo at halimbawa ng aming Poong Jesus, upang magawa namin araw-araw at matularan namin Siya. Amen.