EBANGHELYO: Mt 24:42-51
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Magbantay kayo sapagkat hindi n’yo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon. Isipin n’yo ito: Kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay s’ya at hindi pababayaang pasukin ang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat sa oras na hindi n’yo inaasahan darating ang Anak ng Tao. Isipin n’yo ito: may tapat at matalinong katulong at sa kanya ipinagkatiwala ng kanyang amo ang sambahayan nito para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang amo ay matagpuan s’ya nitong tumutupad sa kanyang tungkulin, mapalad ang katulong na ito. Talagang sinasabi ko sa inyo na ipinagkakatiwala sa kanya ng amo ang lahat nitong pag-aari. Sa halip ay nag-iisip naman ang masamang katulong: ‘Magtatagal ang aking Panginoon.’ Kaya sinimulan n’yang pagmalupitan ang mga katulong na kasama n’ya samantalang nakikipagkainan at nakikipag-inumang kasama ng mga lasing. Ngunit darating ang panginoon ng katulong na iyon sa oras na di n’ya inaasahan at sa panahong di n’ya alam. Palalayasin n’ya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga mapagkunwari. Doon nga may iyakan at pagngangalit ng ngipin.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Ana Maria Casayas ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Narinig natin sa Mabuting Balita ngayon, na ipinapakita ng ating Panginoong Hesukristo ang kahalagahan ng salitang “pagpapasensya.” Ayon kay Papa Francisco, ang pagpapasensya ay hindi tanda ng kahinaan, kundi ito ay tanda ng kalakasan. Ang pagpapasensya ay isang katangian ng isang taong may malalim na pananampalataya. Kaya nga pina-aalalahanan tayo ni Hesus sa araw na ito, na tularan ang mabuting lingkod, na ginagawa ang nararapat niyang gawin habang matiyagang naghihintay sa pagdating ng kanyang panginoon. At iwasang matulad sa masamang lingkod na sinusunod lamang ang sariling kagustuhan dahil nainip na sa pagkaantala ng pagbabalik ng kanyang panginoon. Ito po ang nangyayari pag nawalan tayo ng malalim na koneksyon sa Diyos, nawawalan din tayo ng pasensya. Kaya hingin natin sa Panginoon na dagdagan pa ang ating pananampalataya, at pagpapasensya lalo na ngayong panahon ng pandemya, Amen.
(Maraming nagtatanong kailan pa kaya sasagutin ang Diyos ang ating mga dasal dahil nauubusan na rin tayo ng pasenysa. Kaya hingin natin sa Diyos ang grasya ng pagpapasensya hindi lamang para sa ating mga sarili kundi pati na rin sa lahat ng mga tao na may pinagdaraanan sa buhay sanhi ng pandemya. Hilingin natin sa Diyos ang grasya ng pagpapasensya dahil ito ang magbibigay sa atin ng lakas para harapin ang mga sakit at pagdurusa lalo na sa mga taong nagbibigay sa atin ng sakit ng ulo. Yung mga taong naiinip, nababagot na at ang mga nakikita at napapansin na lamang ay negative. Huwag po natin silang susukuan patuloy po natin silang ipagdasal. Kapanalig, maging mapasensya at maging matiyaga dahil ito ang tunay at totoong tanda ng may malalim na pananampalataya sa Diyos.)