Ebanghelyo: MATEO 23,13-22
Sinabi ni Hesus: “Kaya kawawa kayo mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Isinara ninyo ang Kaharian ng Langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumasok at hindi rin niyo pinapasok ang mga makapapasok. Kawawa kayo mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Nililibot ninyo ang dagat at lupa para maghanap ng isang bagong tagapaniwala at pagka-paniwala n’ya ginagawa n’yo s’yang anak ng impyerno na mas masahol pa sa inyo. Kawawa kayong mga bulag na taga-akay. Sinasabi ninyong walang bisa kung sa Templo nanunumpa subalit may bisa kung sa ginto ng Templo. Mga bulag at baliw, alin ba ang mas mahalaga, ang ginto sa Templo o ang Templong nagpapabanal sa gintong ito? Ang sabi ninyo’y walang bisa kung sa Altar manunumpa subalit may bisa kung sa handog na nasa Altar. Mga bulag, alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang Altar na nagpabanal sa handog? Ang manumpa sa ngalan ng Altar ay dito at sa lahat ng narito nanunumpa. Ang sinumang sumumpa sa Templo ay sumusumpa dito at sa Diyos na naninirahan sa Templo. Ang sinumang manumpa sa Ngalan ng Langit ay saTrono ng Diyos at sa nakaupo rito nanunumpa.
Pagninilay:
Sa ating Ebanghelyo ngayon,tinawag ni Hesus na mga iprokrito o mapagpaimbabaw ang mga Pariseo at eskriba sapagkat bagaman alam nilang tama ang mga itinuturo ni Hesus sa mga tao, patuloy pa rin silang gumagawa ng mga maling balita para mailayo lamang ang mga tao kay Hesus. Inggit at galit ang patuloy na namamayani sa kanilang mga puso. Isa itong paalala sa atin. Lagi nawa nating usisain ang ating mga sarili kung paano natin ipinapakita at ipinadarama sa iba ang ating pananampalataya. Ginagamit ba natin ang ating pananampalataya upang makikilala ng iba si Kristo, o upang tayo ang makilala? Mas nagiging mapagmahal ba tayo o mas nagiging mapanghusga? Nagiging tulay ba tayo upang mas dumami pa ang lumapit sa Diyos o tayo ang nagiging sanhi upang mapalayo sila? Buhay ang ating pananampalataya kung inilalapit tayo nito sa Diyos, at inilalapit natin ang ibang tao patungo sa Diyos.
Panalangin:
Panginoon, turuan mo akong maging mabuting pastol ng iyong kawan. Nawa’y sa aking pagtulad sa iyo sa salita’t gawa, mahikayat ko ang mga naliligaw pabalik sa ’yo. Amen.