Daughters of Saint Paul

Agosto 27, 2016 SABADO Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon / Santa Monica

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibambayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka siya umalis. "Agad na ipinagnegosyo ito ng nakatanggap ng limang talento at kumita ng lima pa. Nagnegosyo rin ang nakatanggap ng dalawa at kumita ng dalawa pa. Humukay naman sa lupa ang may isang talento at itinago ang pilak ng kanyang amo. "Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan silang magsulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta at sinabi" 'Panginoon, ipinagkatiwala mo ang limang bareta sa akin, at tingnan mo, tumubo pa ako ng limang talento.' Sumagot ang amo: 'Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika't makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.' "Lumapit naman ang may dalawang talento at nagsabi, 'Panginoon, ipinagkatiwala mo ang dalawang talento sa akin, at ngayo'y tumubo pa ako ng dalawang talento.' Ang sabi ng amo: "Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.' "Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: 'Panginoon, alam kong mahigpit kang tao. Inaani mo ang di mo itinanim at nililikom ang hindi mo ipinagnegosyo. Nakatakot ako kaya itinago ko ang iyong talento sa lupa. Heto ang sa iyo. Ngunit sinagot siya ng kanyang amo: 'Masama at walang kuwentang katulong, alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim at nililikom ang hindi ko ipinagnegosyo. Sana'y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko. "Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa siya at magkakaroon nang sagana; ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin.'"

PAGNINILAY

Ang Ebanghelyong ating narinig paalaala na lahat ng bagay na umiiral dito sa daigdig, pagmamay-ari ng Diyos. Maging ang ating buhay at kakayahan, at lahat ng tinatamasa natin ngayon, nagmumula sa Kanyang kagandahang-loob. Wala tayong maipagmamalaking sariling atin – dahil lahat hiram lamang sa Kanya. At Kanyang ring babawiin sa takdang panahong Siya lamang ang nakakaalam. Kaya nakakalungkot isipin sa tuwing namumuhay tayong hiwalay sa Diyos nating Tagapalikha; sa tuwing hindi natin ginagamit ang mga talento sa tamang paraan o inaabuso ang paggamit nito na makapipinsala sa iba. Mga kapatid, napaka-iksi ng buhay para sayangin sa mga maling gawaing nagpapahirap sa ating kapwa at magpapahamak sa ating kaluluwa. Darating ang panahong magsusulit tayo sa Panginoon kung paano natin pinangasiwaan at pinalago ang mga talentong hiram lamang sa Kanya. Panginoon, salamat po sa mga talentong ipinagkatiwala mo lamang sa akin. Marapatin Mo pong gamitin ko ito nang tama, alagaan at palaguin para sa mga gawaing paglilingkod Sa'yo at sa aking kapwa. Tulungan Mo po akong maging mabuti at responsableng katiwala. Amen.