Daughters of Saint Paul

AGOSTO 27, 2020 – HUWEBES SA IKA-21 LINGGO NG TAON | Paggunita kay Santa Monica

EBANGHELYO: MT 24:42-51

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Magbantay kayo sapagkat hindi n’yo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon. Isipin n’yo ito: Kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi pababayaang pasukin ang bahay. Kaya maging handa kayo dahil sa oras na hindi n’yo inaasahan darating ang Anak ng Tao. Isipin n’yo ito: may tapat at matalinong katulong at sa kanya ipinagkatiwala ng kanyang amo ang sambayanan nito para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang amo ay matagpuan siya nitong tumutupad sa kanyang tungkulin, mapalad ang katulong na ito. Talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakatiwala sa kanya ng amo ang lahat nitong pag-aari. Sa halip ay nag-iisip naman ang masamang katulong: ‘Magtatagal ang aking Panginoon.’ Kaya sinimulan niyang pagmalupitan ang mga katulong na kasama niya samantalang nakikipagkainan at nakikipag-inumang kasama ng mga lasing. Ngunit darating ang panginoon ng katulong na iyon sa oras na hindi niya inaasahan at sa panahong hindi niya alam. Palalayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga mapagkunwari. Doon nga may iyakan at pagngangalit ng ngipin.”

PAGNINILAY:

Isa sa mga turong labis kong pinahalagahan noong ako’y bata pa ay ang kahalagahan ng oras.  Ayon sa aking Grade IV teacher, ang bawat segundo at minutong lumilipas sa ating buhay, hindi na kailanman maibabalik – kaya huwag itong sasayangin. Sa murang edad, naging panuntunan ko sa buhay ang huwag magsayang at papatay ng oras. Sa halip, gamitin ito sa paggawa ng mabubuting bagay o anumang gawaing magpapaunlad sa aking pagkatao at pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa kapwa. Pero, noong nauso ang social media lalo na ang facebook, isa din ako sa mga naaliw at tuwang-tuwa sa paggamit nito. Bukod sa connected at updated ako sa mga kamag-anak, kaibigan at kakilala, updated din ako sa mga pangyayari sa buong mundo. Pero sa katagalan, napagtanto ko na addictive ang facebook at iba pang social media platforms. Di ko namamalayan ang mabilis na paglipas ng oras, na sana ginamit ko sa mas kapaki-pakibabang na gawain. Mga kapatid, ilan ba sa atin ang maraming pinapatay na oras sa pagpi-facebook at iba pang social media? Pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon na magbantay tayo, dahil tunay na hindi natin nalalaman ang pagdating ng Panginoon. Ang bawat araw sa ating buhay, hiram lamang sa Diyos. At maaari Niya itong bawiin anumang oras na Kanyang itinakda.  

PANALANGIN:

Panginoon, maging laging handa nawa ako lagi Sa’yong pagdating… huwag nawa akong magsayang ng oras sa mga libangan, bisyo at masasamang gawaing magbubulid sa ating kaluluwa at katawan sa walang hanggang kapahamakan. Amen.