EBANGHELYO: Mt 25:1-13
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa Kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming lampara.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’ Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’ Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Nimfa Ebora ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Lagi ka bang handang salubungin ang Panginoon anumang oras? Ang larawan ng limang dalagang hangal at limang dalagang marunong ay larawan ng ating mga sarili habang hinihintay ang Panginoon. Ang kanilang dalang mga lampara ang katunayan na sila nga ay handa. Puno ng langis ang lampara ng mga dalagang marunong. Hindi kulang at maliwanag hanggang sa pagdating ng Panginoon. Hindi naman sapat ang langis ng mga hangal. Aandap-andap ang mga ito at walang liwanag upang sumalubong sa Panginoon. Saan tayo nabibilang sa dalawang grupong ito ng mga dalaga? Puno ba ng langis at maliwanag ang ating mga lampara? (Sa Biblia, ang kaharian ng Panginoon ay madalas inihahalintulad sa isang kasalan. Noong unang siglo pa lamang sa kasaysayan ng simbahan, ang lalaking ikakasal ay larawan na ni Kristo, samantalang ang babaeng kasintahan naman ay ang simbahan. Ang lahat ng kasapi ng simbahan ay inaanyayahan sa masayang pagdiriwang na ito. Ang lahat ay tinatawag na maging handa sa pagdating ng lalaking ikakasal. Ang mga handa ay tatawaging marunong; makakapasok sila sa loob kasama ang lalaking kasintahan; ang mga hindi handa nama’y tatawagin hangal; mananatiling silang malayo at nasa labas ng kaharian.//)
PANALANGIN
Ama, nais po naming maging handa sa iyong pagdating. Puspusin mo kami ng karunungan na nanggagaling sa iyong Espiritu upang punuin namin ng langis ng mabubuting gawa at langis ng pagmamahal sa kapwa ang aming mga lampara. Nang sa gayon, manatiling nakasindi ang aming ilaw sa oras na kami’y tawagin mo sa iyong tahanan. Amen.