Daughters of Saint Paul

AGOSTO 27, 2023 – IKA-21 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (A)    

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-dalawampu’t isang Linggo sa Karaniwang Panahon ng ating Liturhiya. Pasalamatan natin Siya sa handog Niyang pananampalataya. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Maririnig natin ang tagpo ng pagkakatatag ni Hesus ng ating Simbahan, sa pangangalaga ni Simon, na bininyagan Niya sa ngalang Pedro. Ayon ito kay San Mateo kabanata Labin-anim, talata Labintatlo hanggang dalawampu. 

EBANGHELYO: Mt 16:13-20

Pumunta si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” “May nagsasabing pong si Juan Bautista kayo; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag sa iyo nito kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng Langit. Ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.” At inutusan niya ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya ang Mesiyas. Mula sa araw na iyon ipinaalam ni Jesukristo sa kanyang mga alagad na kailangan siyang pumunta sa Jerusalem; pahihirapan siya ng mga matatanda ng mga Judio, ng mga Punong-pari, at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong-araw. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinumulang pagsabihan: “Huwag sana, Panginoon. Hindi ito puwede!” Ngunit hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi sa kanya: “Sa likod ko Satanas! At baka mo pa ako tisurin. Hindi sa Diyos galing ang iyong iniisip kundi mula sa tao.”  

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang ating mga pagbasa ngayon ay tungkol sa “susi” at ang kapangyarihang taglay nito. Alam naman natin kung para saan ang susi.  Ginagamit natin ito sa pagsasara o pagbubukas.  Ang susi ay sumisimbolo sa kapangyarihang taglay ng nagdadala nito.  Ang may susi ay maaring lumabas at pumasok sa isang bahay.  Nagbibigay ito ng pahintulot, karapatan at kapangyarihan.  Sa ating ebanghelyo, ginamit ni Hesus ang simbolo ng susi upang italaga si Simon bilang Pedro, ibig sabihin ay bato, na kung saan, itatatag ang kanyang Simbhaan.  “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.”  Mga kapatid, ang kapangyarihang ito ay ang ipinasa ni Pedro sa kanyang mga kahalili, ang Santo Papa at ang mga obispo.  Kapag ang ating Santo Papa at ang mga obispo na kanyang kinatawan sa bawat diyosesis, ay nagtuturo sa atin tungkol sa pananampalataya at pamumuhay moral, ginagampanan nila ang kanilang tungkulin bilang tagapangalaga ng aral ni Kristo. Kaya maaari nating sabihin na ang kapangyarihan ng susi ng langit, ay hindi lang para kay Pedro, ito rin ay para sa Simbahan. Tandaan natin na tayo ang Simbahang itinatag ni Kristo, at nasa atin ang susi ng kaharian ng langit! Amen.