Daughters of Saint Paul

 Agosto 27, 2024 – Miyerkules sa Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) | Paggunita kay Santa Monica Agosto 27, 2024 – Miyerkules sa Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) –

Ebanghelyo: Mateo 23, 23-26

Sinabi ni Hesus “Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo! Kayong mga mapagkunwari! Hindi ninyo nalilimutan ang mint, anis at kumino sa pag babayad Ninyo sa ikapu ngunit hindi Ninyo tinutupad ang pinakamahalaga sa batas: ang katarungan, awa at pananampalataya. Ito ang nararapat sa gawa na hindi kinakaligtaan ng iba. Mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang lamok subalit nilulunok ang kamelyo! Kawawa kayong mga guro ng batas at mga Pariseo! Kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng plato at kopa, ngunit pinupuno naman ninyo ang loob ng pag nanakaw at karahasan at binasbasan Ninyo ang mga ito. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang loob at lilinis din ang labas.

Pagninilay:

Ang mga Eskriba ay mga relihiyosong abogado, at sila ang nakaaalam sa mga batas at tradisyon. Sila rin ang gumagawa ng napakaraming mga panuntunan upang kontrolin ang mga tao. Kaya naman naging pabigat sa mga tao ang Batas. Samantala, ang mga Pariseo naman ay mga guro ng mga tradisyon sa relihiyon at mga pinuno ng mga lokal na sinagoga. Inatasan ng mga Pariseo at mga eskriba ang mga tao na magbayad ng ikapu (sampung porsiyento ng kanilang kinikita) mula sa maliliit na bagay tulad ng mga halamang pampalasa o herbs. Pero hindi nila binibigyang-pansin ang mga paglabag laban sa katarungan, awa, pananampalataya, atbp. na mas mahalaga para sa isang Kristiyano. Inihambing ni Jesus ang kanilang mga panuntunan at gawi sa isang kopa o tasa, na malinis sa labas ngunit puno ng dumi sa loob. Nakikita ng Diyos ang puso nilang puno ng kasakiman, pagnanakaw, pagmamataas, atbp… Nagpapanggap silang banal at dalisay, pero mga ipokrito sila; nagkukunwari lang sila na sumusunod sa mga utos ng Diyos. Pero ang gusto ng Diyos ay mamuhay tayo ng totoo, at tapat sa ating kalooban. Sabi nga ni Jesus sa Mabuting Balita ngayon, kailangang “linisin mo muna ang loob, at lilinis din ang labas.” Kapatid/Kapanalig, masisiyahan ba ang Diyos sa nakikita niya sa isip at kalooban mo na hindi nakikita ng ibang tao?