Isang Araw ng pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. May talinhaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: "Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may ikinumbidang mas importante kaysa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing 'ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.' Kaya mapapahiya ka't pupunta sa huling puwesto. "Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pagdating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: 'Kaibigan, lumapit ka pa.' Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa." Sinabi ni Jesus sa puno ng mga Pariseo na nag-anyaya sa kanya: "Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay mo ang kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga balewala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo. At magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian."
PAGNINILAY
Dalawang praktikal na leksiyon ang nais ituro sa atin ng Ebanghelyong ating narinig. Una, ang kahalagahan ng pagiging mababa sa pakikitungo natin sa ating kapwa. Sa tuwing kinumbida tayo sa isang handaan, makabubuting lumagay tayo sa mababang puwesto. At ang ikalawa, tulungan at kumbidahin sa handaan ang mga taong walang kakayahang ibalik ang tulong na iginawad natin sa kanila. Mga kapatid itinuro sa atin ni Jesus ang ganito para maiwasan ang pagmamataas, "dahil ibababa ng Diyos ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa." Nais Niya rin tayong iadya sa pagkamakasarili, na kung saan binabalewala ang mga kapuspalad. Alalahanin natin na may malakas na kakampi ang mga taong binabalewala ng lipunan at itinuturing na marumi: ang Diyos. Kaya maging mahinahon sana tayo sa paghusga sa mga kapatid nating ito, dahil katulad natin, sila din mahal at mahalaga sa mata ng Diyos. Panginoon, makita nawa kita sa puso ng mga taong dukha, makasalanan, at binabalewala ng lipunan. Marapatin Mo pong maging mukha ako ng Iyong habag sa kanila sa pamamagitan ng aking awa, pag-unawa at paggawa ng paraan upang maibsan ang kanilang pagdurusa. Gamitin Mo po ako, sa abot ng aking makakaya. Amen.