Daughters of Saint Paul

AGOSTO 28, 2020 – BIYERNES SA IKA-21 LINGGO NG TAON | Paggunita kay San Agustin, obispo at pantas ng Simbahan

EBANGHELYO: Mt 25:1-13

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa Kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming mga lampara.’ Sumagot ang mga matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’ Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami Panginoon!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’ Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Cleric Jerome Ypulong ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Nitong mga nakaraang buwan, mas naging personal ang konsepto ng paghihintay sa bawat isa sa atin: ang paghihintay na nawa`y matapos na ang pandemya, ang paghihintay na puno ng pananabik sa ating muling pagbabalik sa mga Simbahan para muli nating matanggap ang Panginoon sa banal na Eukaristiya, ang paghihintay sa tamang panahon na ang lahat ay magiging maayos rin. Paghihintay ng may pag-asa. Isa lamang ito sa mga aral na tinuturo sa atin ng Ebanghelyong ating narinig. Hinahamon tayong labanan ang kadiliman ng kawalang pag-asa, ang pagod na dulot ng pagkadismaya at pagkabigo sa mga sitwasyong tila wala nang katuturan. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na panatilihin nating nakasindi ang ilawan ng ating pananampalataya, na puno ng pagtitiyaga at pag-asa, na manatili tayong nakabantay nang may pusong puno ng pananabik sa paglilingkod, sa mga mas nangangailangan, at manatiling puno ng pag-asa na darating din ang oras na “magiging OK din ang lahat.”