EBANGHELYO: Mt 25:14-30
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibambayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka umalis. Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan sila ng pagsusulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta at sinabi: ‘Panginoon ipinagkatiwala mong limang bareta sa akin at tingnan mo, tumubo pa ako ng limang talento.’ Sumagot ang amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’ Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: ‘Panginoon, alam kong mahigpit kang tao, inaani mo ang di mo itinanim at nililikom ang hindi mo ipinagnenegosyo, natakot ako kaya itinago ko yong talento sa lupa. Heto ang sa iyo.’ Ngunit sinagot siya ng kanyang amo: ‘Masama at walang kuwentang katulong. Alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim at nililikom ang hindi ko ipinagnenegosyo. Sana’y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko. Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa s’ya at magkakaroon ng sagana, ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin.’”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Junlyn Maragañas ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.// Sa panahon ni Hesus ang talento ay nangangahulugang isang napakalaking yunit ng halaga hinggil sa pananalapi, kaya, napakahusay na ng tao na katumbas ng isang talento at napakayaman na kung katumbas ay marami.// Pinagkakatiwalaan tayo ng Diyos ng Kanyang mga kayamanan upang mapabunga ang mga ito ayon sa ating kakayahan! We are, indeed, gifted to give!// Anyare, sa pangatlo? Kung tutuusin, di naman niya nilustay ang salapi. Ang pagkakamali nya ay wala siyang ginawa. Ito po ang ipinagkaiba niya sa dalawang nauna na napalago ang kanilang natanggap.// Minsan, paralisado tayo sa takot at maaaring hindi natin magawa ang nararapat na gawin lalo na ang mabubuting gawa, kaya po humantong sa kasalanan ng pagkukulang. Mga Kapatid, huwag matakot na gamitin ang ating mga talento para sa kaluwalhatian ng Diyos at para sa ikabubuti ng iba.// ( Maging responsableng mga katiwala nawa tayo ng Diyos na may pusong puno ng pagpapasalamat, handa sa oras ng pagsusulit sa mga biyayang ipinagkatiwala Niya sa atin!// Bilangin natin ang ating mga pagpapala.// Sa paanong paraan natin ibinabalik ang mga ito sa Diyos sa anyo ng paglilingkod sa kapwa?//
PANALANGIN
Panginoon, salamat po sa mga kaloob na talento. Dalangin ko na tulungan N’yo po akong mapagyaman ito at magamit nang tama para sa ikabubuti ng aking kapwa. AMEN.