Daughters of Saint Paul

Agosto 29, 2016 LUNES Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon / Ang Pagpapakasakit ni San Juan Bautista, martir

Si Herodes ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: "Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid. Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos making kay Juan, gayunma'y gusto pa rin niyang marinig ito. At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahalagang tao ng Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: "Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo." At sinumpaan pa niya ang pangakong ito: "Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo kahit na ang kalahati ng aking kaharian." Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: "Ano ang hihingin ko?" At sumagot naman ito: "Ang ulo ni Juan Bautista." Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: "Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha." Nasaktan ang hari dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita ngunit ayaw niyang tumanggi. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalagita, at ibinigay naman ito ng dalagita sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.

PAGNINILAY

Mga kapatid, napakalaking hamon sa panahon natin ngayon ang manindigan sa kung ano ang tama at kalugod-lugod sa Diyos. Sa gitna ng lipunang puro patayan ang nababalitaan natin araw-araw; at tila walang habag sa mga nagkasala at mga makasalanan; at tanging pagpatay ang nakikitang solusyon para maging drug-free nation ang ating bansa – matindi ang pangangailangan natin ng mga modernong propeta na tutuligsa sa maling kalakarang nagaganap sa lipunan. Tunay na nakababahala ang dumaraming bilang ng napapatay araw-araw. At ang nakakalungkot, baka inosente at naituro lamang ang iba sa kanila. Kaawa-awa din ang mga pamilyang naulila. Tatanggapin na lang ba natin manaig ang ganitong kalakaran? Mga kapatid, kailangan natin ng bagong Juan Bautista na buong tapang na maninindigan para tutulan ang pagpatay, na tila nagiging normal na sa kasalukuyan. Hindi ito madali! Pero kung hahayaan natin ang Banal na Espiritu na kumilos sa pamamagitan natin; kung bibigyang-halaga natin ang buhay na tanging ang Diyos lamang ang may karapatang bumawi; at kung kumbinsido tayong mga modernong propeta at tagapagsalita tayo ng Diyos – wala tayong dapat ikatakot. Ang Diyos mismo ang kikilos at magsasalita sa pamamagitan natin. Pero mahalaga ang ating malapit na pakikipag-ugnayan sa Kanya para makatugon tayo sa hamong ito.