Daughters of Saint Paul

AGOSTO 29, 2018 MIYERKULES SA IKA 21 LINGGO NG TAON Ang Pagpapakasakit ni San Juan Bautista, martir (Paggunita)

MARCOS 6: 17-29

Si Herodes ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niyang marinig ito. At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahalagang tao ng Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo.” At sinumpaan pa niya ang pangakong ito: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” At sumagot naman ito:  “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nasaktan ang hari dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita ngunit ayaw niyang tumanggi. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalaga, at ibinigay naman ito ng dalaga sa  kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.

PAGNINILAY:

Naipit sa nag-uumpugang bato si Herodes: Susundin ba niya ang budhi  at si Juan na nagsasabing “Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid” o magpatangay sa pambubuyo ni Herodias at ng kanyang mga Heneral?  Hindi niya napaglabanan ang tawag ng laman, ang pagkamakasarili, at ang pagyayabang na maipatutupad ang anumang iutos, kaya, napilitan siyang ipapugot ang ulo ni Juan.  Sa hulihan, natalo siya sa digmaang inilunsad ng amang hari ng una niyang asawa. Sinasabing parusa din ito sa pagpatay niya sa walang kasalanang si Juan. Tayo man ay nalalagay din kung minsan sa sitwasyong kay-hirap pumili: ang puso ba ang paiiralin o ang idinidikta ng isip? Alin ang tama? Alin ang ayon sa kalooban ng Diyos?  Ito lamang ang dapat na maging basehan sa ating pagpapasiya para huwag mamali gaya ni Herodes.    O, mahal na Espiritu Santo, batid Mo maging ang mga itinatago naming lihim.  Liwanagan Mo ang aming puso at isip para makaiwas sa anumang hindi ayon sa kalooban ng Ama, Amen.