EBANGHELYO: Mk 6:17-29
Si Herodes ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo pwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” “Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin… Iginagalang nga ni Herodes si Juan… kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto parin niya itong marinig. At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes ng maghanda siya… Pagkapasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes… Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sayo ang anumang hingin mo.” …kahit na ang kalahati ng aking Kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nalungkot ang hari dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita ngunit ayaw niyang tumanggi. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin si juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalagita, at ibinigay naman ito ng dalagita sa kanyang ina…
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ginugunita natin ngayon ang Pagpapakasakit ni Juan Bautista. Isang matapang na propeta si Juan at walang takot niyang tinuligsa si Haring Herodes sa pakikiapid nito kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid. Nagtanim ng sama ng loob kay Juan si Herodias kaya nang makakita siya ng pagkakataon, hiningi niyang papugutan ito ng ulo. Mga kapatid, nakamamatay magtanim ng sama ng loob sa kapwa. Ganon pa man hindi tayo sinusukuan ng Diyos. Gaya ni Haring Herodes, binabagabag tayo ng ating budhi kapag may ginawa tayong mali. Nagpapadala siya ng mga katulad ni Juan Bautista upang punahin at paalalahanan tayo sa ating pagkakamali, pero kadalasan gaya rin tayo ni Herodias, gusto natin silang alisin sa ating landas. Hingin natin sa Diyos ang biyaya na maging bukas tayo sa pagpapahayag at pagtanggap ng katotohanan.