Daughters of Saint Paul

AGOSTO 29, 2021 – IKA–22 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: Mk 7:1-8, 14-15, 21-23

Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang mga Pariseo at ilan sa mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem. Napansin nila na kumakain ang ilan sa mga alagad niya nang may maruming kamay, na hindi naghuhugas ayon sa seremonya. Sinusunod nga ng mga Pariseo pati na ng mga Judio ang tradisyon ng kanilang mga ninuno at hindi sila kumakain nang hindi muna naghuhugas ng mga kamay. At hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito nililinis, at marami pa’ng dapat nilang tuparin, halimbawa’y ang paglilinis ng mga inuman, mga kopa at pinggang tanso. Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Bakit hindi isinasabuhay ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Tama ang propesiya ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagkunwari. Nasusulat na ‘Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang mga labi, at malayo naman sa akin ang kanilang mga puso. Walang silbi ang kanilang pagsamba sa akin at kautusan lamang ng tao ang kanilang itinuturo.’ Pinabayaan nga ninyo ang utos ng Diyos para itatag ang tradisyon ng mga tao.” Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: “Pakinggan ako at unawain sana ninyong lahat. Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya. Sa puso nga ng tao nagmumula ang masasamang hangarin: kahalayan, pagnanakaw, pagpatay sa kapuwa, pakikiapid, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira, kapalaluan, kabuktutan. Ang masasamang bagay na ito ang nagpaparumi sa tao.” 

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Keiv Aires Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  (Mapagpalaya at nagbibigay buhay ang batas lalo na sa mga Israelita. Ang batas ang gabay upang mapanatili ang pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa kapwa. At ang pagsunod dito ang nagbibigay ng kaligtasan. At sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng paraan ng pagsasabuhay ang mga batas na ito, na siyang tinatawag nating tradisyon o batas ng mga ninuno.// Dito nagkaroon nang pagtatalo ang Eskriba at mga Pariseo, dahil sa hindi pagsunod ng mga alagad ni Hesus sa batas ng kanilang mga ninuno na dapat sundin ng bawat Hudyo. Kaya ipinaaalala sa kanila nila Hesus ang tunay na kahalagahan ng batas ng kalinisan.) Nakatuon ang tunay na batas sa kalinisan ng kalooban at hindi lamang ang kalinisan na pang labas. Itinuturo ni Hesus na kailangang pahalagahan ang kalagayan ng ating kalooban na syang tunay na nakakapag parumi sa atin kung hindi natin babantayan.// Kapatid, ano ang nilalaman ng iyong kalooban?  Meron ka bang mga sinasabi o ginagawa na taliwas sa’yong kalooban? Alalahanin natin na sinasalamin ng ating kalooban ang mga bagay na ating ginagawa at sinasalita. Nawa’y patuloy nating bantayan at pahalagahan ang kalinisan ng ating mga puso at isip. Ikumpisal ang ating mga kasalanan, alisin ang galit, iwasang pag-isipan ng masama ang iba, upang magkaroon ng kapayapaan. Sa mga ganitong pamamaraan, mapapanatili natin ang kalinisan ng ating kalooban.