Daughters of Saint Paul

Agosto 3, 2016 MIYERKULES Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon San Pedro de Anagni

Pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon ang nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: "Panginoon, anak ni David, maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae." Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito: "Paalisin mo na siya't sigaw siya nang sigaw sa likod natin." At sinabi sa kanya ni Jesus: "Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo." Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi: "Ginoo, tulungan mo ako!" Sumagot si Jesus: "Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta." Sumagot ang babae: "Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo." Kaya nagsalita sa kanya si Jesus: "Babae, napakalaki ng iyong pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo." At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, kahanga-hanga ang pananampalatayang ipinakita ng babaeng kananea. Hindi niya isinuko ang laban ng kanyang pananalig kahit alam niyang hindi siya Judio. Iba at higit na malalim ang kanyang paniniwala sa Diyos na kinikilala ng mga Judio. Ipinakita niya ang isang uri ng pananampalataya na lumalampas sa hangganan ng kultura at limitadong pagkakilala ng mga Judio sa Diyos. Itinuro ng kanyang pananalig na ang Diyos, hindi Diyos ng mga Judio lamang. Kundi isang Diyos na pinagpapala ang lahat dahil Siya ang Maylikha ng lahat, at Siya'y para sa lahat. Mga kapatid, ang kaligtasan – isang regalong iniaalok ng Diyos sa lahat at walang sinuman ang may karapatang magsabing siya lamang ang maliligtas. Ang totoo, hindi sapat ang mapabilang sa isang relihiyon upang matamo natin ang kaligtasan; dahil ang relihiyon, isang daan lamang upang mahalin at makilala natin ang Diyos. Iba't-iba man ang ating relihiyon, iisang Diyos pa rin ang Maylikha sa atin. Iba't-iba man ang ating pagkakilala sa Kanya, iisang Diyos pa rin natin Siyang sinasamba. Hingin natin ang biyayang matuto tayong igalang ang pagkakaiba-iba ng pagpapahayag ng ating pananampalataya, sa iisang Diyos na Maylikha sa ating lahat. Panginoon, pagkalooban mo po ako ng malawak na pang-unawa na makita ang Iyong mahiwagang pagkilos sa anumang relihiyong kumikilala Sa'yo bilang Diyos at Tagapagligtas. Tulungan Mo po akong igalang ang pagkakaiba-iba ng pagpapahayag ng aming pananampalataya. Amen.