Daughters of Saint Paul

AGOSTO 3, 2021 – MARTES SA IKA–18 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 14:22-36

Pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin. Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.” “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at lumulubog na. Kaya sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-aalinlangan?” Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!” Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. Nakilala si Jesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Junlyn Maragañas ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kahit may takot at pangamba, ang buhay din natin ay nakaugat sa pagtitiwala. Itinuturo ni Hesus kay Pedro at maging sa atin din, ang kahalagahan ng pagtitiwala sa kanya sa kabila ng ating mga pangamba at pagdurusa.// Ang pagbaba ni Pedro sa bangka at pagpunta kay Hesus ay isang kilos ng pag-ibig at pananampalataya. Pero, hindi ito sapat. Lulubog din tayo kung nakatuon lamang tayo sa mga problema at hindi sa kayang gawin ng Diyos!// Marahil ang ilan sa atin ay may mga pinagdadaanang pagsubok sa buhay, alalahanin, takot, at hindi kinikilala si Hesus.  Siya’y multo lamang ng imahinasyon o sa kasalukuyan ay nalulunod na rin.  Tumawag lamang tayo sa Kanyang tulong, “Sagipin Mo ako Panginoon!”// Madalas, nararanasan natin ang pagdamay ng Diyos sa pagdamay ng ating kapwa. Alalahanin natin ang mga taong naging kamay ng Diyos para sa atin noong may problema tayo, sila ang dumamay at nakinig.  Noong may kaguluhan sa buhay, may mga taong sumasalo at tumutulong kahit na sa maliit na paraan. Noong may kagipitan sa buhay, may mga nag-aambag sa mga maliliit na paraan upang ipadama ang pakikipag-kapwa, may community pantry sa panahon ng pandemya.// Nawa’y maging kamay din tayong aabot sa iba/ kung kinakailangan. Amen. 

(Mga kapatid, patuloy po tayong hinuhubog ng mga pagsubok ng ating pananampalataya upang tayo’y lumago mula sa ating mga kakulangan.//Tunay ngang tayo ay inihanda ng Diyos sa anumang misyon natin sa buhay upang hindi lamang ang ating pananampalataya ang lumago kundi ang karamihang nakakasalamuha natin.// Higit sa lahat, mahinahon man o malakas ang alon, kasama natin Siya sa lahat ng panahon!   

PANALANGIN

“Panginoon, sa mga sandali ng pag-aalinlangan at kahinaan, tulungan Mo kaming kumapit sa Iyo. Pag alabin mo pa ang aming pananampalataya, tulungan mo kaming makabangon sa lahat ng aming dinaranas at sagipin mo kami sa aming pagkakasala. Amen.