BAGONG UMAGA
Mapagpalayang araw ng Huwebes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Dakilain ang Mapagmahal nating Diyos sa biyayang magising muli upang maging buhay na saksi ng Kanyang paghahari sa kasalukuyang mundo. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Ang bawat araw na pinapahiram sa atin ng Diyos, panibagong pagkakataon upang mapabilang sa lambat ng kaharian ng langit, na inihahagis ng Panginoong Diyos/ sa malawak na dagat ng buhay. Pero binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang pumili kung papasok tayo sa lambat o hindi; kung tatanggapin ba natin ang alok Niyang kaligtasan o susundin ang sariling kagustuhan. Ito ang tema ng Mabuting Balitang maririnig natin ayon kay San Mateo kabanata Labintatlo, talata Apatnapu’t pito hanggang Limampu’t tatlo.
EBANGHELYO: Mt 13:47-53
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Naihahambing din ang Kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon ang mga walang kuwenta. Ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin. Nauunawaan n’yo ba ang lahat ng ito?” “Opo.” Kaya sinabi niya sa kanila: “Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng isang ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing kukuha siya.” Nang matapos ni Jesus ang mga talinghagang ito, umalis siya sa lugar na iyon.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Mga kapatid, madaling maunawaan at maintindihan ng mga mangingisda ang pagbasang ating narinig. Alam nila kung ano ang isdang maaaring ibenta o kainin, at alam nila ang isdang itatapon, dahil hindi ito maaaring ibenta o kainin. Ito ang talinhangang ginamit ng ating Panginoong Hesus, upang ipaalam sa ating lahat, na darating ang panahon na tayo’y hahatulan. Paghihiwalayin ang taong gumawa ng mabuti, at taong gumawa ng masama. Mga kapatid, ang mga pagbasa na inihahatid sa atin araw- araw tulad ng Mabuting Balita, ay isang tulong at gabay. Harinawang patuloy tayong paliwanagan ng Banal na Espiritu, na maunawaan at maisabuhay ang mga aral ng Mabuting Balita/ upang magkaroon tayo ng pagkakataong/ makasama ng ating Panginoong Hesus/ pagkatapos ng maikling buhay natin dito sa mundo. Nauunawaan ko po at karanasan din, na hindi madali ang magpakabuti, maraming tukso at hamon ang buhay. Idalangin natin at magtiwala tayo sa ating Panginoong Hesus. Siya lamang ang nakababasa ang ating puso at isipan. Ang Diyos lamang ang huhusga sa atin. Mga kapatid, manalig tayo na ang Diyos ay pag-ibig. Ang kanyang hatol ay hatol ng pag-ibig. Kapag naranasan natin ng personal na pag-ibig ng Diyos, maluluha tayo, kung masasaktan natin Sya. Marami ang nagsasabing, life is short. Kung maikli ang buhay, harinawang pawang kabutihan na lamang ang sikapin nating gawin, upang ang pangakong langit, ating kamtin. Amen.